ABS-CBN nanguna sa national TV ratings sa urban at rural households ngayong Hunyo

    383
    0
    SHARE

    Mas namayagpag pa ang ABS-CBN sa national TV ratings ngayong Hunyo sa mas pinalawak na pagkalap ng datos ng Kantar Media kasama ang rural areas sa buong Pilipinas.

    Ayon sa talaan ng pinagsamang resulta ng sarbey sa urban at rural areas sa bansa ng Kantar Media, pumalo ang ABS-CBN sa average national audience share na 42%.

    Lalo pang lumalakas ang Kapamilya Network sa huling linggo ng Hunyo sa average audience nito na 43% mula Hunyo 24-30.

    Mas gumaganda rin ang laban ng ABS-CBN sa daytime (6AM-6PM) matapos manguna sa lahat ng weekday daytime programs ang “Kung Ako’y Iiwan Mo” mula June 24-30 sa average audience share na 47% .

    Gumawa ng kasaysayan sa Philippine TV ang primetime seryeng “Walang Hanggan” matapos itong pumalo ng 45% noong Biyernes (June 29).

    Mas lalo ring lumakas ang Kapamilya Network pagdating sa national primetime (6PM hanggang 12 MN) at tumabo ng 51% audience share o katumbas sa kalahati ng buong populasyon ng mga manonood sa bansa.

    Ang naturang pamamayagpag ay dahil pa rin sa dekalibreng mga programa handog ng Primetime Bida na patuloy pang tumataas ang ratings dahil padami pa ng padami ang tumututok sa mga ito gabi-gabi.

    Walang hanggan pa rin ang suporta ng sambayanan sa “Walang Hanggan” bilang pinakapinapanood na programa sa bansa sa average national TV rating na 41.8%.

    Pinangungunahan nito ang labingdalawang Kapamilya programs na pasok sa top 15 programs para sa buwan ng Hunyo.

    Pumapangalawa sa listahan ang royal teleserye na “Princess and I” (38.6%) na sinusundan ng numero unong weekend program na “Maalaala Mo Kaya” (35.9%).

    “TV Patrol” pa rin ang nangungunang newscast sa bansa sa national TV rating na 31.8% kumpara sa kalabang “24 Oras” na nakakuha ng 17.6%.

    Pasok din agad sa top 15 ang mga bagong singing competition na “The X Factor Philippines” (24.4%) sa ikawalong puwesto at gumagandang kuwento ng tween mermaid na si “Aryana” (22.4%) sa ikasampung puwesto.

    Ang iba pang Kapamilya shows na nasa top 15 ay “Wansapanataym” (33.2%), “Rated K” (26%), “Dahil sa Pag-ibig” (25.3%), “Kapamilya Deal or No Deal” (23.1%), “Goin Bulilit” (22.3%), at “ Sarah G Live” (20.3%).

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here