Sino ka ba Jose Rizal?

    1647
    0
    SHARE
    Last Friday, June 19, was Jose Rizal’s 148th birthday. Looking through my old files I found an essay which I submitted as part of my class requirements in PI 100:

    “Kinamulatan ko na si Jose Rizal ang ating pambansang bayani. Noong ako ay grade 1 ay nagsi-seat in ako sa klaseng “Rizal’s Life, Works and Writings” na tinuturo ng nanay ko sa isang technical school sa Pampanga. Dahil na rin sa pakikinig tungkol kay Rizal ay marami akong natutunan kaya lagi akong napipili na sumali sa mga history quiz bees.

    Noong first year high school ako, napag-alaman ko na ang librong ginagamit ng nanay ko sa pagtuturo ay obsolete na. Nalaman ko ito mula sa isang propesor ng UP na judge sa Rizal quiz bee na sinalihan ko. (1996 iyon, Rizal Centennial) Dahil sa nangyari naisip ko na parang nawalan ng kabuluhan ang pagkilala ko kay Rizal. Mga basic facts lamang siguro ang hindi nagbago. Sa isip ko parang nagging exaggerated masyado si Zaide sa pagdescribe kay Rizal kasi mistulang Kristo na ito kung mababasa mo ang libro. Para bang si Rizal ay perpektong tao.

    Sa sumunod na mga taon ay kinilala kong muli si Rizal sa tulong ng mga libro ni Ambeth Ocampo. Sa pagkakataong ito, nalaman ko ang ilang maliliit na detalye tungkol kay Rizal, kadalasan mga trivial na bagay, na kung tututuusin ay walang kinalaman sa pagiging bayani niya. May pagkakataong mistulang historical na tsismis ang mga kwento tungkol sa kanya. Pero ok na din yun kasi nakakaaliw at hind mabigat basahin. Naisip ko din na maliban sa pagiging bayani ay isang ordinaryong tao lang din si Rizal. Malaking tulong sa kanyang mga nagawa na maganda ang kaniyang minanang genes (kaya siya matalino), maganda rin ang kanilang pamilya, at maraming mga pagkakataon ang naibigay sa kanya.

    Maraming oportunidad ang ibinigay ng buhay kay Rizal at ang mga ito ay hindi naman niya tinalikuran. Naisip lang niya siguro na kaakibat ng pagkakaroon ng mga magagandang pagkakataon ang malaking responsibilidad sa diyos at sa bayan. Maaaring sa pagmumuni-muni niya ay naliwanagan ang kanyang isipan ukol sa sinasapit ng bayan sa mga panahong iyon, kaya tumulong siya sa pagmulat sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga sulatin.

    Sa aking palagay ay naintindihang mabuti ni Rizal ang kalagayan ng Pilipinas, base na tin sa kanyang pagsusuri mula sa historical at panglipunang perspektibo nito. Gayon pa man, may limitasyon ang kanyang pag-intindi dahil na rin si Rizal ay hindi kabilang sa masa ng kanyang panahon. Sa tingin ko ay natural kay Rizal ang pagiging pacifist niya. Katulad ni Gandhi maaaring nakita niya ang mas matinding impact ng tahimik at mapayapang pamamaraan ng paglaban. Hindi ko pa napag-iisipang mabuti kung si Rizal ba ay repormista talaga o isang latent na rebolusyonaryo, dahil na rin siguro may pagkaconfusing ang kanyang mga sulatin.

    May nabasa din ako na p_postss na nagsasabing propeta daw si Rizal, katulad ng katukayo niyang si Joseph the Dreamer. Sa palagay ko naman ay mayroon lamang siyang foresight, base na rin sa kanyang mga masusing obserbasyon at pag-intindi sa human nature at sa kalagayan ng lipunan.

    Inspiring si Rizal kung tutuusin. Napakabibo niya, sa tingin ko ay isa siyang self-actualized na tao. Hindi na siya matutularan pa at lalong hindi na maibabalik. Maraming pagbabago na ang naganap simula nung siya ay nabubuhay pa. Kung buhay pa siya sa kasalukuyan ay malamang iba ang kanyang magiging pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng bayan dahil nga iba ang konteksto ng makabagong panahon.

    Malaki ang tiwala ni Rizal sa mga kabataan. May katotohan din kasi ito. Minsan ay pumapasok sa imahinasyon ko na maaaring hindi matahimik ang kaluluwa ni Rizal dahil na rin sa kung anu-anong ginagawa ng ilang mga kabataan. Maaari nating gawing ehemplo sa ilang bagay si Rizal. Di natin siya matutularan pero maaari naman nating hubugin ng mabuti ang sarili nating mga pagkatao at huwag sayangin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin.

    Pwede ring maging in-depth at malawakan ang pagtingin natin sa mga suliraning bayan at gumamit ng iba’t ibang perspektibo sa pagsusuri sa mga ito. May mga parallelisms din kasi ang panahon natin sa panahon ni Rizal, maaaring ang kasaysayan ay isang siklikal na proseso lamang. Nag-iba lang siguro ang pangalan ng mga nang-aapi ngunit halos pareho pa rin ang sitwasyon. Pwedeng sa ganitong pagkakataon ay tama si Rizal sa kanyang sinabi na hindi pa tayo handa sa rebolusyon, pero darating din ang akmang lugar at panahon para rito.

    Marahil sa darating na mga panahon ay mag-iiba pa ang pagkilala ko kay Rizal. Sa antas na ito ay maaaring simple pa ang mga nalalaman ko tungkol sa kanya at hindi pa malalim ang pagbasa ko sa kanya. Hindi ko maikakaila na naniniwala ako na malaki ang naidulot ni Rizal sa naging takbo ng kasaysayan ng ating bayan. Kung tutuusin hindi rin siguro niya ninais na maging bayani at ang mga tao na lamang ang nagbigay ng ganoong bansag.

    Sa tingin ko ay nabuhay lamang si Rizal sa tamang lugar at panahon kaya niya nagawa ang kanyang mga ginawa. Maaaring kung ibang konteksto ang kanyang panahon ay hindi siya ganito kasikat at pinararangalan. Dahil ang kasaysayan ng ating bansa ay parte din ng continuum kung saan si Rizal ay nasa lumipas na at tayo naman ang nasa kasalukuyan at nagpapatuloy sa paggawa ng kasaysayan.”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here