CALUMPIT, Bulacan— Iginiit ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang kasalanan ang kontraktor ng bumagsak na tulay sa bayang ito noong Mayo 23.
Ngunit sa kabila nito, pinag-aaralan na ni Bokal Michael Fermin ang pagsasampa ng kaso sa Wing-An Construction Development Corp. sa layuning makansela ang kontrata nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na ang pagbagsak ng tulay sa Calumpit ay isang “wake up call” sa DPWH. Ayon kay Inhinyero Jesse Obordo ng pangrehiyong tanggapan ng DPWH wala silang nakikitang paglabag ng Wing-An na pag-aari ng isang Inhinyero Shelwyn Lao na nakabase sa Lungsod ng San Juan sa Kalakhang Maynila.
Iginiit din niya na walang parusang ipapataw sa kontraktor ng bumagsak na tulay at wala na ring isasagawang imbestigasyon ang kagawaran. “Wala namang violation, kaya walang sanction na ipapataw sa contractor,” ani Obordo.
Si Obordo ay nakapanayam sa himpapawid ng Radyo Bulacan noong Sabado, Mayo 24 kung kailan ay idinipensa niya ang Wing An na siyang may hawak ng P166-milyong kontrata para sa rehabilitasyon ng Calumpit Bridge na bumagsak noong Mayo 23.
Nilinaw ni Obordo na ang pagbagsak ng tulay ay isang aksidente, at dalawang manggagawa ng Wing An na nakilalang sina Robert Vidal, isang crane operator, at Jerry David, isang mason, ang nasaktan.
Dagdag pa ng inhinyero ng DPWH, “kung ibang tao ang nasaktan, tiyak mag-iimbestiga kami, eh tao nila ang nasaktan saka minor injuries lang.” Hinggil sa mabagal na rehabilitasyon ng nasabing tulay, ipinaliwanag ni Obordo na ilang beses na nasuspinde ang implementasyon ng rehabilitasyon.
Una ay noong itinayo ang pansamantalang hanging bridge upang madaanan ng mga tao noong Agosto ng nakaraang taon na tumagal ng isang buwan. Ang nasabing hanging bridge ay matatagpuan sa tabi ng kinukumpuning tulay na nag-uugnay sa Bulacan at Pampanga sa bayang ito.
Ikalawa ay ang pagbabago ng disenyo ng tulay kaugnay ng pagkakatuklas sa mga nakabaong concrete, metal at wooden piles sa ilalim nito. Dahil dito sinuspinde mula Enero hanggang Mayo ang implementasyon ng rehabilitasyon habang hinihintay ang bagong disenyo.
“Pinasabog kasi noong panahon ng Hapon ang tulay na yan at natuklasan na lang yung mga bored piles sa ilalim nung magsagawa ng boring log,” ani Obordo. Batay sa ulat ng DPWH, umabot sa 24 na bored piles ang nasa ilalim ng tulay, ngunit ayon kay Obordo, umabot na sa 15 sa mga ito ang natanggal.
Sa pagtaya ng Wing- An, aabot sa dalawang taon ang guguguling panahon upang matanggal ang mga nasabing bored piles. Ngunit dahil sa pagbabago ng disenyo ng tulay, naging mabilis din ang pagbabago ng panibagong piles o poste dahil iniiwas ito sa mga bored piles sa ilalim ng tulay.
Sa paliwanag ni Obordo, inilihis o iniiwas sa nakabong board piles ang mga bagong posteng ibinaon. Ang implementasyon ng rehabilitasyon ng tulay ay nagsimula noong Hulyo 2013, at dapat sana ay natapos nitong Abril 23.
Ngunit dahil sa mga abala, tulad ng pagtatayo ng pansamantalang hanging bridge at pagkakatuklas sa mga sagabal tulad ng bored piles, naantala ang pagkukumpuni sa tulay.