SAN MIGUEL, Bulacan—Unang bahagi pa lamang ng taong ito ay napakamot na sa ulo ang mga magsasaka sa bayang ito tulad ni Simeon Sioson ng Barangay Lambakin.
Ito ay dahil sa kawalan ng ulan na naging sanhi ng pagkatuyo ng kanilang mga tinggalan ng tubig at pananim kaya’t wala silang inani. Sa baybaying bahagi naman ng Bulacan, nangangamba ang mga magsasaka ng palay sa pagpasok ng tubig alat sa kailugan at mga sapa na ayon kanila ay “lumalason” sa kanilang pananim.
Ito ay dulot ng kawalan ng tubig ulan na nagtutulak sa tubig alat sa karagatan na lalo ngayong pinalulubha ng papalapit na pananalasa ng El Nino, isang kalagayan ng panahon na tinatampukan ng kawalan ng ulan at pinaiigting ng climate change.
Sa kabila naman ng mga problemang ito na hatid pagbabago ng timpla ng panahon, may solusyong nakahanda ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) na nakabase sa Nueva Ecija. Ito ay dahil sa nakapagparami na sila ng mga binhi ng palay na maaaring itanim sa mga lugar na kinakapos ng tubig,o kaya ay sa mga lugar na laging binaha at mga lugar na pinapasok ng tubig alat.
Ayon kay Inhinyero Ricardo Orge, dalubhasa sa climate change center ng PhilRice, hindi dapat mabahala ang mga magsasaka dahil sa mga binhing kanilang naparami na makatutugon sa mga adverse weather conditions.
Kabilang dito ay ang NSIC Rc346 o ang Sahod Ulan 11 na maaaring itanim sa mga bukiring umaasa sa tubig ulan o rain-fed. Ito ay ang mga bukirin katulad ng matatagpuan sa Barangay Lambakin na karaniwang sinasagasaan ng kakulangan sa tubig lalo ngayong nahaharap ang bansa sa El Nino.
Ang NSIC Rc324 o Salinas 10 ay maaaring itanim sa mga bukirin malapit sa dagat at pinapasok ng tubig alat, samantalang ang NSIC Rc308 o Tubigan 26 at NSIC Rc298 o Tubigan 23 ay maaaring itanim sa mga mababang bukirin na karaniwang binabaha.
Bukod sa mga ito,mayroon ding binhi ang PhilRice na tinatawag na NSIC Rc318H o Mestiso 48 na madaling mamunga. Ito ay mapag-aanihan sa loob lamang ng 104 hanggang 114 araw. Ang NSIC Rc342SR o Mabango 4, ay isang aromatic special purpose rice na maaaring pag-anihan ng pitong tonelada bawat ektarya sa loob ng 114 araw, bukod pa sa matibay ito sa mga peste sa palayan.
Ang mga nabanggit na binhi ng palay na naparami ng PhilRice ay napag-aanihan ng anim hanggang 12 tonelada ng palay bawat ektarya. Sinabi ni Orge na ang mga nasabing binhi ay naitanim na sa ibat-ibang lalawigan sa Gitnang Luzon.
“Ang maipapayo ko sa ating mga kababayang magsasaka ay subukan ang pagtatanim ng mga binhing ito ayon sa kalagayan ng kanilang lugar upang matiyak na makakaani sila,” ani Orge. Inayunan din ito ni Andrew Villacorta, regional executive director ng Department of Agriculture sa Gitnang Luzon.
Bukod rito, nagpahayag ng tiwala si Villacorta na hindi masyadong maapektuhan ng El Nino ang pananim na itatanim ngayong Hunyo. Ito ay dahil sa umaasa silang masusustinihan ng ulan ang pananim na itatanim.
Ipinagmalaki pa ni Villacorta na sa taong 2013, umabot sa 18.44 milyon metriko tonelada ang kabuuang produksyon ng palay sa bansa sa kabila ng pananalasa ng mga kalamidad.
Ang produksyong ito ay katumbas ng 97 porsyentong pangangailangan sa bigas ng bansa kaya’t tinagurian ang bansa bilang “fastest growing rice producing country in Asia” sa taong 2013.