LUNGSOD NG MALOLOS—Tiniyak ni Director General Joel Villanueva na magkakatrabaho ang mga mag-aaral na nagsipagtapos ng kursong vocational sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ito ay dahil sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa kung saan inaasahang lilikha ng mas maraming trabaho.
Dahil dito, umabot na sa P4 bilyon ang pondong ipinagkaloob ng administrasyong Aquino sa TESDA na ayon kay Villanueva ay kanilang ibubuhos sa mga programang training-for-work scholarship.
“In demand ngayon ang mga graduate ng TESDA, umaabot sa 64 hanggang 66 percent ang hiring rate sa kanila,” ani Villanueva sa isang panayam bago magtalumpati sa pagtatapos ng 950 Bulakenyong nagtapos ng kursong vocational sa ilalim ng Cash for Training Program (C4TP) ng ahensiya.
Ang pagtatapos ay isinagawa sa Malolos Sports and Convention Center noong Hulyo 31.
Ayon sa kalihim, ang nasabing bilang ng mga nagkakatrabahong mag-aaral ng TESDA ay “all time high”.
“May boom sa construction sector maging sa electronics, semi-conductor at manufacturing sectors,” sabi niya na nangangahulugan ng dagdag na trabahador.
Ayon kay Villanueva, sinabi ni Public Works Secretary Rogelio Singson na mangangailangan ng mga dagdag na heavy equipment at crane operator at mga mason sa mga susunod na buwan upang matugunan ang pangangailangan sa trabahador.
Dahil dito, iniaalok ng DPWH ang mga pasilidad at kagamitan nito upang magamit sa pagsasanay ng mga mag-aaral ng TESDA.
Sa ginanap na mass graduation ng mga nagsipagtapos sa mga technical vocational courses ng TESDA, inianunsiyo ni Villanueva ang magandang balita ng pinakamalaking pagtaas ng pondo sa buong kasaysayan ng ahensiya.
“Kaya pumalo ng P4 bilyon ang BUB (bottom-up budgeting) ng TESDA, paghahanda na ito para sa magiging malaking papel namin sa Grade 11 at 12 ng K-to-12 program ng ating educational reengineering.
Kasi pagdating ng panahong iyon, mandatory na ang pagkuha ng mga vocational courses kaya ngayon pa lamang ay lalawakan na natin para marami ang magkaroon ng malaking pagkakataon na magkaroon agad ng trabaho,” aniya.
Prayoridad na pondohan ng BUB ay ang mga kurso sa food and beverage service, bartending, housekeeping for wage employment, consumer electronics, commercial cooking, computer hardware servicing at auto servicing.
Binuo ang konseptong BUB ng administrasyon upang ibuhos nang husto ang pondo sa mga programang pangkaunlaran na naayon sa Social Contract ni Pangulong Aquino na siyang nakatala sa 2011-2016 Philippine Development Plan (PDP).