HIGH TIDE LANG. Hindi baha na hatid ng bagyo at ulan ang nagpalubog sa bahay na ito sa Barangay Pugad sa bayan ng Hagonoy, Bulacan.
Sa halip ay high tide o pagtaas ng tubig mula sa dagat na pinalulubha ng land subsidence of paglubog ng lupa. Mapapansin na halos umabot na sa ikalawang palapag ng bahay ang tubig na hatid ng high tide.
Kuha ni Dino Balabo
LUNGSOD NG MALOLOS—Kung ang Kalakhang Maynila ay may Camava na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela na madalas sagasaan ng pagbaha, mayroon ding grupo ng mga bayan at lungsod sa Bulacan na laging binabaha.
Ngunit hindi lang isang klase ng pagbaha ang nananalasa sa lalawigan, sa halip ay halos lahat ng klase.
Ang mga grupo ng mga bayan at lungsod na laging binabaha sa Bulacan ay tinatawag na “O BuMaHa Ca Pa Pu Mame BoMaBa GuiMi.”
Ito ay ang pinagsama-samang unang mga letra ng pangalan ng mga bayan ng Obando, Bulakan, Lungsod ng Malolos, Hagonoy, Calumpit, Pulilan, Marilao, Lungsod ng Meycauayan, Bocaue, Sta. Maria, Balagtas, Guiguinto at San Miguel.
Sa kabuuan, umabot sa 12 bayan at dalawang lungsod sa 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan ang laging sinasagasaan ng baha.
Hindi pa kasama rito ang mga bayan ng Plaridel at Bustos na sa dalawang nagdaang taon ay nakaranas ng pagbaha na isinisisi ng mga magsasaka sa konstruksyon ng Balagtas-Bustos by-pass road.
Ang pinagsama-samang pangalan ng mga binabahang bayan sa lalawigan ay unang nabuo ng mamamahayag na ito may limang taon na ang nakakaraan.
Ngunit iyon ay limitado lamang sa “O Bumaha Ca Pa Pu” o mga bayan ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Calumpit, Paombong at Pulilan.
Sa paglipas ng mga taon, nagdagdagan ang bilang ng mga bayan sa grupo na nagpapahiwatig na higit na lumalawak ang bahagi ng lalawigan na apektado ng ibat-ibang uri ng pagbaha.
Kabilang sa mga uri ng baha ng nagpapalubog sa mga barangay sa iba-ibang bayan at lungsod sa Bulacan ay ang bahang hatid ng bagyo, flash flood o biglaang pagbaha, back flood, high tide at bahang sanhi ng malakas na ulan at pinalulubha ng mga baradong daluyan ng tubig tulad ng mga kanal.
Ang bahang hatid ng bagyo ay karaniwang tinatampukan ng unti-unting pag-apaw ng tubig sa kailugan at pinalulubha ng pagpapatapon ng tubig mula sa mga dam tulad ng Angat, Ipo, at Bustos Dam.
Apektado nito ang ilang barangay sa bayan ng Bustos, Baliwag, Pulilan at Plaridel na matatagpuan sa gilid ng Ilog Angat.
Ngunit mas apektado mga bayan ng Calumpit at Hagonoy na noong 2011 at 2012 at kapwa lumubog.
Sa mga biglaang pagbaha, apektado ang mga bayan ng San Miguel, Santa Maria, Bocaue at Balagtas, maging ang bahagi ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan.
Sa back flood na nagmumula sa mga lalawigan ng Aurora, Tarlac, Nueva Ecija at Pampanga, apektado ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpit Pulilan at ilang bahagi ng Baliwag, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel.
Ang back flood ay karaniwang nananalasa lima hanggang pitong araw matapos ang may isang linggong pag-ulan sa silangang bahagi ng Gitnang Luzon.
Sa high tide, ang karaniwang apektado ay ang mga bayang matatagpuan sa baybayin ng Manila Bay tulad ng Obando, Bulakan, Malolos, Hagonoy, Paombong, Marilao, Lungsod ng Meycauayan at ilang bahagi ng Bocaue.
Ayon sa mga dalubhasa, ang epekto ng high tide at pinalulubha pa ng land subsidence o paglubog ng lupa sa baybayin ng Manila Bay.
Batay pag-aaral nina Dr. Kelvin Rodolfo at Dr. Fernando Siringan, ang land subsidence ay hatid ng over water extraction of sobrang paghugot ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
Ipinaliwanag naman ni Hilton Hernando ng Pampanga River Flood Forecasting and Warning Center (PRFFWC) na ang high tide o pagtaas ng tubig sa karagatan ay hatid ng pagkalusaw ng niyebe sa malalamig na bansa.
Bukod sa mga nabanggit na uri ng baha, nakakaapekto din sa mga bayan at lungsod sa lalawigan ang pagbahang hatid ng malakas na ulan ngunit pinalulubha ng mga baradong kanal at iba pag daluyan ng tubig.
Kabilang sa mga bayang apektado ay ang bayan ng Guiguinto, Plaridel, Bustos, Bocaye, Balagtas at iba pa.
Ang kalagayang ito higit na natampok sa pananalasa ng bahang hatid ng malakas na ulang hatid ng hanging habagat noong nakaraang taon kung kailan, ang mga lugar na dati ay di lumulubog at lumubog sa tubig baha.
Ilan sa mga lugar na ito ay ang bahagi ng Balagtas, Bustos at Plaridel kung saan ay nasalanta ang mga pananim na palay.
Ayon kay Marangal Ruiz, municipal agriculture officer ng Balagtas, sinisisi ng kanyang kababayang magsasaka ang konstruksyon ng Balagtas-Plaridel-Bustos by-pass road.
Ito ay dahil sa napigil ng nasabing by-pass road ang daloy ng tubig dahil sa kapos sa mga box culvert ang by-pass road.
Ayon kay Ruiz, “pag-tag-ulan, sobra-sobra ang tubig sa amin, pero wala naman kaming mapagtapunan, pag tag-araw, wala namang tubig.”
Binanggit din niya na ilang bahagi ng bayan ng Balagtas ay naaapektuhan na rin ng high tide.
Bilang tugon naman sa epekto ng pagbaha, pinaplano ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan ang pagpapahukay sa kailugan.
Ayon kay Mayor Ambrosio Cruz ng Guiguinto, kailangang muling mapalalim ang mga kailugan upang may madaluyan ang tubig ulan.
Inayunan din iyon ni Gob. Wilhelmino Alvarado na una nang nagpahayag ng panawagan sa Department of Public Works and Highways na buhayin ang Pampanga River Control System upang pangunahan angpamamahala sa kailugan at mga daluyang tubig hindi lamang sa Bulacan kundi sa buong Gitnang Luzon.