Climate Fund: Mula P1-B, magiging P14-B sa 2014

    378
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG PASIG—Aabot sa P14 bilyon ang inihahandang pondo para sa climate change adaptation ng bansa sa susunod na taon kumpara sa P1 bilyon sa taong ito, ayon kay Commissioner Mary Anne Lucille Sering ng Climate Change Commission (CCC).

    Ang biglang paglobo ng pondo para sa climate change adaptation ng bansa ay kaugnay ng pagsasaayos ng pondo na tinawag na programmatic approach in budgeting.

    Gayunpaman, nilinaw ni Sering sa mga mamamahayag na dumalo sa huling sesyon ng Environmental Investigative Reporting Fellowship na inorganisa ng International Women’s Media Foundation na hindi hahawakan ng CCC ang nasabing pondo.

    Ang huling sesyon ng isang taong IWMF Fellowship ay isinagawa sa Ortigas Central Business District sa Lungsod na ito noong Sabado, Abril 6.

    Ayon kay Sering, ang pondong inihanda para sa pagtugon sa climate change ay mananatili sa mga ahensiyang pinagkunan nito tulad ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Health (DOH) at Metro Manila Development Authority (MMDA).

    Ipinaliwanag ng komisyuner na hindi ibibigay ng Department of Budget and Management (DBM) sa CCC ang pondo, ngunit hinimok nito ang mga ahensiya na  maghanda ng pondo para magamit sa climate change adaptation na bahagi rin ng programa ng mga nasabing ahensiya.

    Isa sa mga dahilan na nakahimok sa mga ahensiya na maglaan ng pondo sa climate change adaptation ay ang mga pananalasa ng mga lumalakas na bagyo na humahagupit sa bansa.

    Ayon kay Sering, matagal din nilang kinumbinse ang mga ahensiya na mawawalan ng halaga ang mga isinusulong na kaunlaran kung walang programa at pondo ang bawat isa bilang pagtugon sa mga epekto ng climate change.

    Bukod dito, sinabi niya na isa sa mga naunang nakumbinse sa paghahanda ng pondo para sa climate change adaptation ay si Kalihim Florencio Abad ng DBM na isa sa mga nagsulong ng renewable energy sa bansa katulad ng pagtatayo ng wind mill na lumilikha ng kuryente sa Hilagang Luzon.

    Ayon kay Sering lubhang mahalaga ang paghahandang pondo para sa pagtugon sa epekto ng climate change upang agad na matugunan ang pinsala nito.

    Kabilang sa mga napipinsala at apektado ng climate change sa bansa ay ang produksyon ng pagkain sanhi ng pananalasa ng malalakas na bagyo.

    Ayon pa kay Sering, kung walang pondong nakahanda, mawawalan ng silbi ang batas gayundin ang mga natamong tagumpay sa pagpapaunlad sa ekonomiya ng bansa.

    Ito ay dahil kapag nasalanta ang mga pananim at imprastraktura, ay kailangan ang mga pondo para makabangon agad ang mga magsasaka, samantalang ang mga imprastraktura ay kailangang makumpuni agad tulad ng mga nawawasak na tulay at mga lansangan.

    Hinggil sa kaalaman sa pagtugon sa climate change, sinabi niya na tumaas na ang kaalaman ng iba-ibang ahensiya, ngunit ang mga pamahalaang lokal ay nananatiling mababa ang pagkakaunawa.

    Isang halimbawa ng mataas na pagkaunawa sa climate change ay ang programa ng DOST at ng DA sa pagsasaka kung saan ay gamit ang makabagong teknolohiya na tinatawag nilang smart agriculture.

    Ipinaliwanag ni Sering na sa smart agriculture, ginagamit ng mga magsasaka ang mga impormasyon mula sa DOST tulad ng soil fertility at wind speed.

    Ito, aniya ay mahalaga sa pagtukoy kung anong uri ng pananim ang maitatanim sa isang lugar at panahon.

    Hinggil sa produksyon ng isda,sinabi ng komisyuner na patuloy silang nakakatanggap ng mga ebidensiya mula sa pag-aaral ng mga dalubhasa na naaapektuhan na ito ng climate change.

    Gayunpaman,nagpahayag siya ng pangamba dahil batay sa mga unang pag-aaral, ang sektor ng pangingisda na paketado ay ang commercial fishing o panghuhuli ng mga isda sa karagatan.

    Ayon kay Sering maging ang produksyon ng mga isda sa bukirin at palaisdaan ay apektado na rin.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here