Galak, pangamba sa pagtatayo ng SM City sa Malolos

    490
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Ikinagalak ng mga residente ng lungsod na ito ang pagtatayo ng SM City Malolos, ngunit may mga nagpahayag din ng pangamba sa magiging kalagayan ng maliliit na negosyante.

    Ito ay matapos malathala sa Facebook fan page ng isang pahayagang lokal ang impormasyon batay sa mas naunang pahayag ni Mayor Christian Natividad.

    Ayon kay Jeddahmae Vistan, malaking tulong sa mga Malolenyo at iba pang Bulakenyo ang planong pagtatayo ng SM City Malolos.

    Ito ay dahil sa mga oportunidad sa trabaho na ihahatid ng pagtatayo ng mall.

    Inayunan din ito ni Isagani Giron, ang dating tagapangulo ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka).

    Ngunit nagpahayag din ng pangamba si Giron sa magiging kalagayan ng mga maliliit na negosyante sa lungsod na ito.

    Sinabi ni Giron na isa sa posibleng epekto ng pagbubukas ng SM City Malolos ay ng pagsasara ng maliliit na negosyante.

    Inayunan din ito ni Ramil Ortiz Reyes na nagsabing mas maaapektuhan ang nagsisipagtinda ng mga damit na ready to wear (RTW).

    Sa kabila naman ng palitan ng kuro-kuro ng mga residente ng Malolos, sinabi ni Darius Correa na dapat nang masimulan ang pagtatayo ng nasabing mall dahil napag-iiwanan na raw ng Marilao at Baliwag ang lungsod na ito.

    Ang dalawang nabanggit na bayan sa lalawigan ay kapwa mayroon nang SM City mall.

    Kaugnay nito, umgong din ang palitan ng pananaw kung saan itatayo ang SM City Malolos.

    May mga nagsabing sa likod ng Bulacan State University ito itatayo, at may mga nagsabi ring sa tapat ng relay station ng Radio Veritas sa kahabaan ng MacArthur Highway.

    Ngunit para kay Christopher Cunanan, mas malaki ang posibilidad na sa tabi ng relay station ng Radio Veritas itayo ang mall, sa bahagi ng Barangay Dakila.

    Ang kabilang panig ng ng Radio Veritas sa panig ng Barangay Sumapang Matanda ay kasalukuyang pinagtatayuan ng Robinson’s Mall.

    Una rito, kinumpirma ni Mayor Natividad na bukod sa Robinson’s Mall ay posibleng masimulan na rin ang SM City Malolos.

    Sa panayam, sinabi ng alkalde na apat na may ari ng lupa na lamang ang kinakausap ng pamunuan ng SM Mall.

    Hindi pa tinukoy ni Natividad kung saan sa lungsod na ito itatayo ang mall, ngunit inilarawan niya ang pagtatayuan.

    Ayon sa alkalde, itatayo ang mall sa isang 28-ektaryang lupain sa lungsod ng Malolos. Iginiit pa niya na ang nasabing lupain ay dating palayan ngunit halos hindi na pinag-aanihan.

    Nilinaw ni Natividad na bukod sa mall ay magtatayo din ng iba pang pasilidad ang SM sa nasabing 28 walong ektarya, kabilang na ang mga high rise condominiums at mga call centers.

    “Kung mall lang ang itatayo nila (SM), okey na yung five hectares, pero ang sabi sa akin ay tatayuan din ng SM Residences na mga high rise condominium, at saka mga facilities para sa BPO (business process outsourcing) para sa mga call centers,” sabi ni Natividad.

    Sinabi pa ng alkalde na sa konstruksyon pa lamang ng SM City Malolos ay tiyak na lilikha na ito ng libo-libong trabaho.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here