Alvarado unopposed?

    417
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS —Lumalaki ang posibilidad na walang makakalaban si Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado sa halalan sa susunod na taon.

    Ito ay dahil sa tahimik pa rin ang mga posIbleng makatunggali niya sa 2013 elections samantalang isang linggo na lamang ang nalalabi sa pagsisimula ng filing ng certificates of candidacy (COC).

    Gayunpaman, iginiit ng ilang lider sa politika sa lalawigan na hangga’t hindi natatapos ang limang araw na filing ng COC ay may posibilidad pa ring makalaban ni Alvarado si Kinatawan Joselito Mendoza ng ikatlong distrito ng Bulacan na nagsilbing gobernador mula 2007 hanggang 2010.

    “There is still a chance that someone may challenge the governor’s re-election bid,” ani Abogado Danilo Domingo, ang dating alkalde ng lungsod na ito na nagdeklara ng muling pagkampanya sa dati niyang posisyon.

    Ayon kay Domingo, ang larangan ng pulitika sa Bulacan ay posibleng madiktahan ng halalan sa 2016.

    “We have to look at the larger political landscape beyond 2013,” ani ng dating alkalde at iginiit na ang kampo ni Vice President Jejomar Binay ay naghahanda na para sa 2016.

    Bilang pinuno ng United Nationalist Alliance (UNA), si Binay ay inaasahang makakatunggali ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, na siya ring pangulo ng Liberal Party (LP) at running mate ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2012 automated elections.

    Ayon kay Domingo, ang paghahandang ito sa 2016 ay nangangahulugan ng mga negosasyon sa mga kandidato sa halalan sa susunod na taon.

    Kinumpirma naman ni Paombong Mayor Donato Marcos ang mga negosasyon.

    Ngunit sa kabila ng pagiging pangulo sa League of Municipalities of the Philippines (LMP) ni Marcos, sinabi niya na hindi pa siya maaring maglahad ng impormasyon hinggil sa negosasyon.

    Ayon naman kay Mayor Christian Natividad ng Lungsod na ito, ang negosasyon para sa mga kandidato sa Bulacan ay matatapos ngayong Lunes.

    Katulad ni Marcos, hindi rin nagbigay ng detalye si Natividad hinggil sa negosasyon, ngunit ilang source ang nagsabi na posibleng si Alvarado ang maging kandidato ng LP sa Bulacan.

    Iginiit pa ng source na ang pag-uusapan na lamang ay kung sino ang makakasamang kandidatong mayor ni Alvarado sa susunod na halalan.

    “Malamang ay incumbent ang makasama, pero may mga hindi incumbent na ipinapasok,” ani ng source na humiling na huwag ipakilala dahil sa kasunduang ilalabas lamang ang detalye pagkatapos ng negosasyon.

    Ayon naman sa ibang source, bukod kay Alvarado, tiyak na makikinabang ang mga incumbent mayor sa negosasyon.

    Ngunit may mga dating alkalde na nais na muling kumandidato at kung hindi raw makakasama sa LP ay tiyak na sa grupo ni Binay sasama ang mga ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here