Enrile, Tanging Dangal ng Lipi, 13 pa pinarangalan ng Bulacan

    271
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS  — Pinangunahan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang 13 pang natatanging Bulakenyo sa pagtanggap ng 2012 Gawad Dangal ng Lipi noong Sabado ng gabi bilang pagtatatapos na gawain ng taunang Singkaben Fiesta.

    Ang Gawad Dangal Lipi ay ang pinakamataas na pagkilalala na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa mga Bulakenyo.

    Ang iba pang tumanggap ng parangal ay sina Lt. Gen. Anthony Alcantara para sa kategorya ng Pubic Service—Military, Justice Estela Perlas-Bernabe (Professional), Dr. Manolito Bulaong (Science and Technology), Feliciano Cruz, Sr., (Entrepreneur), Rev. Herminio Dagohoy (Education), Ernesto Dela Pena (Arts and Culture), Margarita Juico (Health), Angelica Ligas, RN ( Bulakenyo Expatriate), Henry Lutao (Commerce and Industry), Bernardino Nunez (Agriculture), Maria Elena Ochoa (Community Service), Joel Villanueva (Public Service), at Dr. Edna Santos-Zerrudo (Education).

    Sa 14 na tumanggap ng pagkilala, si Enrile ang pinagkalooban ng parangal na “Natatanging Dangal ng Lipi,” ang pinakamataas na pagkilala sa nasabing parangal.

    Ang iba pang tumanggap ng katulad na pagkilala sa mga nagdaang taon ay sina dating Pangulong Corazon Aquino, dating Senador Blas F. Ople, dating Foreign Secretary Alberto Romulo, at National Artist for Literature Virgilio Almario.

    Sa kabila ng mataas na pagkilala ng Bulacan, hindi nakarating si Enrile sa gabi ng parangal dahil sa pagiging abala sa ibang gawain. Ang kanyang anak na si Katrina ang tumanggap ng parangal para sa kanya.

    Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, si Enrile ay karapat-dapat na tumanggap ng mataas na pagkilala mula sa Bulacan dahil sa kanyang natatangi at mahabang paglilingkod sa gobyerno.

    Kabilang dito ay ang kanyang pagiging senador-hukom sa katatapos na impeachment trial laban kay dating punong mahistrado Renato Corona.

    Ayon kay Alvarado, ipinakita ni Enrile ang pagiging patas sa nasabing paglilitis, kaya siya ngayon ang itinuturing na simbolo ng pagbabalik ng tiwala ng mamamayan sa Senado.

    Si Enrile ay kilala bilang isang senador mula sa Cagayan, ngunit ang kanilang mga ninuno ay nagmula sa bayan ng Baliuag, tulad ni Mariano Ponce, ang kaibigan ni Dr. Jose Rizal na tumulong sa pagpopondo ng aklat na inilathala ng bayani.

    Si Enrile ay nagsilbi rin bilang Defense Secretary sa ilalim ng Martial law, ngunit nakipag-isa siya kay dating Pangulong Fidel V. Ramos sa pangunguna sa 1986 Edsa Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

    Bukod kay Enrile, binigyang pagkilala rin ng Kapitolyo si Margarita Juico, ang tagapangulo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

    Ayon kay Alvarado, ang dedikadong paglilingkod ni Juico ay nagbunga ng pagtatayo ng mga pangkalusugang pasilidad sa Bulacan at sa ibang bahagi ng bansa.

    Binigyang diin ng gobernador na halos hindi mabilang ang natulungang maysakit ni Juico para makapagpagamot sa ilalim ng programa ng PCSO.

    Tumanggap din ng pagkilala si Joel Villanueva, ang Director General ng Technical Education Skills Development Authority (TESDA).

    Bilang isang residente ng Bocaue, si Villanueva ay nagsilbi bilang kinatawan ng Cibac party-list , at siya ang isa sa pinakabatang tumanggap ng parangal sa taong ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here