MALOLOS—Pinayuhan ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga magsasaka na magtanim ng maaga at iresiklo ang tubig upang makatipid.
Ito ay kaugnay sa nalalapit na pananalasa ng El Niño na ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa) ay magsisimula sa buwang ito at tatagal hanggang sa tag-araw sa susunod na taon.
Ang El Niño ay isang kalagayan ng panahon na tinatampukan ng kawalan o madalang na ulan na maaaring magdulot ng tagtuyot.
Ito ay kabaligtaran ng La Nina, ang kalagayan ng panahon kung kailan ay tampok ang malakas at mahabang pag-uulan.
Ayon kay Antonio Nangel, administrador ng NIA, bilang paghahanda sa El Niño dapat ay mas maagang magtanim ang mga magsasaka upang matiyak na makakaani.
“We advise farmers to advance their cropping schedule. Kung Enero sila nagtatanim, dapat ay Disyembre pa lang ay magtanim na,” ani ng administrador sa isang panayam sa telepono noong Sabado, Setyembre 8.
Ipinayo din ni Nangel ang mga praktikal na pamamaraan sa pagsasaka.
Kabilang dito ay ang di pagtatanim sa nalalabing 30 poryento ng bukid upang ito ay mapagpunlaan agad bago pa maani ang naitanim sa mas malaking bahagi o 70 poryento ng bukid.
Ang maagang naipunla sa 30 porsyento ng bukid ay maaring maita-nim agad matapos ang pag-ani sa naunang itinanim sa 70 porsyentiong bahagi ng bukid.
“Isang buwan bago anihin yung first crop, pwede nang magpunla ang mga magsasaka dun sa 30 percent ng bukid na di tinaniman, para pagkatapos ng anihan ay ready na for transplantation yung binhi,” ani Nangel.
Ipinaliwanag niya na sa pamamaraang ito, makakatipid ang magsasaka ng tubig na gagamitin para sa dalawang buwan.
Ipinayo rin niya sa mga magsasaka na gamitin ang tubig sa paligid ng kanilang sakahan upang matugunan ang posibleng pagkakapos nito sa panahon ng El Niño.
Bukod dito, ipinaalala ni Nangel ang paggamit ng mga fast-maturing varieties o mga binhing madaliang mamunga.
Hinggil sa pamamahala sa mga dam, sinabi ni Nangel na buo na rin ang kanilang plano.
Bilang dating tagapamahala sa Upper Pampanga River Irrigation System (UPRIS) na nakabase sa Nueva Ecija, ipinaliwanag ni Nangel na dapat ay bantayan ang mga dam at tiyaking sapat ang tubig ng mga ito.
Para sa irigasyon, ipinayo niya ang pagpapatupad ng Irrigation Water Management (IWM). Kabilang dito ay ang pamamaraang pagpapatubig sa loob ng apat na araw at di pagpapatubig sa loob ng susunod na tatlong araw.
Ang iba pang pamamaraang itinatampok sa IWM ay ang rotational irrigation, muling paggamit ng tubig na ginamit sa irigasyon at paggamit ng mga portable water pumps.