HILING NG BFAR
    206-M binhing ayuda sa namamalaisdaan

    502
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Hindi pa man nakakabangon ay muli na namang napinsala ng baha ang mga palaisdaan sa Bulacan at Pampanga.

    Dahil dito, hiniling ng tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Gitnang Luzon sa kanilang punong tanggapan na pagkalooban ng 206 milyon binhi ng bangus at tilapia ang mga namamalaisdaan sa dalawang lalawigan bilang ayuda.

    Ito ay dahil sa muling lumubog sa baha ang mga palaisdaan sa dalawang lalawigan matapos ang malakas na ulan na hatid ng hanging habagat sa unang linggo ng Agosto.

    Ito ang ikalawang pagbaha sa Bulacan at Pampanga sa loob ng halos 10 buwan matapos manalasa ang bahang hatid ng mga bagyong Pedring at Quiel noong nakaraang taon.

    Ayon kay Dr. Remedios Ongtangco, direktor ng BFAR-III, umaabot sa 17 milyong binhi ng tilapia sa Bulacan bukod pa sa 98 milyong binhi ng bangus.

    Sa lalawigan ng Pampanga, umaabot sa 89 milyong binhi ng tilapia at10 milyong binhi ng bangus ang hiniling ng BFAR-III bilang ayuda.

    Ayon kay Ongtangco, ang pagbahang hatid ng habagat na nasundan pa ng bagyong Helen ay nakaapekto sa 5,505 namamalaisdaan sa Bulacan na namamahala sa 6,215ektarya ng palaisdaan.

    Sa Pampanga, umabot sa 1,336 namamalaisdaan na namamamahala sa 3,825 ektarya ng palaisdaan ang naaapektuhan.

    Sinabi ni Ongtangco na kailangan ng mga namamalaisdaan sa dalawang lalawigan ang mabilisang ayuda upang makabangaon agad.

    Binigyang diin pa ng direktor na hindi halos nakakabangon sa pagbaha noong nakaraang taon ang mga namamalaisdaan sa dalawang lalawigan.

    Inayunan din ito ni Gloria Carillo,ang hepe ng Provincial Agriculture Office (PAO) ng Bulacan.

    Ayon kay Carillo ang ayuda sa mga namamalaisdaan sa Bulacan noong nakaraang taon ay ipinagkaloob mula Enero hanggang Mayo sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.

    Iginiit pa ni Carillon a ang ayuda sa mga namamalaisdaan ng bangus ay naipagkaloob nila nila ng buo o 100 porsyento, samantalang sa mga namamalaisdaan ng tilapia ay umabot lamang sa 74 porsyento ang kanilang naibigay na ayuda.

    “Hindi pa namin naibibigay ang lahat ng ayuda sa tilapia fishpond operators, dahil inabutan na uli ng baha,” ani Carillo.

    Batay sa tala ng PAO, umabot sa 2,917 namamalaisdaan na namamahala sa 9,800 ektarya ng palaisdaan ang naapektuhan ng pagbaha noong nakaraang taon.

    Sa pakikipag-ugnayan ng PAO sa BFAR-III at Department of Agriculture (DA), naipakaloob sa Bulacan ang 15,909,050 binhi ng bangus na nagkakahalaga ng P3,499,991.

    Para sa namamalaisdaan ng tilapia, sinabi ni Carillo na nakapagbigay na sila ng 4,581,480 binhi na nagkakahalaga ng P3,207,036.

    “Hindi pinalad ang mag fishpond operators natin ngayong taong ito, dahil hindi pa sila nakakabangon sa baha noong nakaraang taon ay binaha na naman sila,” ani Carillo.

    Binigyang diin pa niya na halos 50 porsyento ng mga palaisdaang tumanggap ng ayuda mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon ay muling napinsala ng pagbaha.

    Inayunan din ito ng mga namamalaisdaan sa bayan ng Hagonoy na nagsabi na ang mga binhing kanilang inaalagaaan ay natapon ng lumubog sa baha ang kanilang mga palaisdaan.

    Matatandaan na matapos ang pagbaha noong nakaraang taon, sinabi ni Lito Lacap, ang pangulo ng Integrated System for the Development of Aquaculture (ISDA) na aabutin ng walong buwan bago muling makabangon ang mga namamalaisdaang napinsala ng bahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel.

    Iginiit ni Lacap na bago tuluyang makabangon ang mga namamalaisdaan sa lalawigan, kailangan munang makumpuni ang mga nasirang dike o pilapil ng mga palaisdaan.

    Para naman sa mga mas maliliit na namamalaisdaan tulad ni Resty Inocencio ng Hagonoy, ang pagbangon nila ay nakadepende rin sa bilis ng ayuda ng pamahalaan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here