Kaya pang buhayin ang kailugan ng Marilao, Meycauayan at Obando

    604
    0
    SHARE

    Higit na matutuwa ang mga kabataang ito sa kanilang paliligo’t paglangoy kung ang ilog ay malilinis muli at babalik sa dating kadalisayan. Kuha ni Dino Balabo

    MARILAO, Bulacan—Kaya pang buhayin ang kailugan ng Marilao, Meycauayan at Obando na napabilang sa 30 pinakamaruruming ilog sa buong mundo noong 2007.

    Ito ay kung magkakaisa ang bawat mamamayan sa pagdidisplina sa sarili sa pagsisinop ng basura.

    Ang optimistikong pananaw na ito ay muling lumutang kaugnay ng sama-samang paglilinis sa nasabing kailugan bilang bahagi ng pagpapatuloy na kampanya para sa rehabilitasyon nito.

    Ang paglilinis at pagbabantay sa kailugan ay isinagawa noong nakaraang linggo sa Barangay Saog ng bayang ito na dinaluhan ng may 1,000 Bulakenyo.

    Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, ang muling pagbuhay sa nasabing kailugan ay hindi matutupad sa pamamagitan ng sisihan.

    Binigyang diin niya na walang ibang maglilinis sa nasabing kailugan kundi ang mga Bulakenyo.

    “Walang ibang maglilinis nito, at hindi ito lilinisin ng taga-ibang lalawigan dahil sila man ay may problema din,” ani ng punong lalawigan at iginiit na “we have to start today.”

    Sa kabila naman ng pag-iwas sa paninisi, tiniyak ni Alvarado na hihikayatin niya ang mga pinuno ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela at Kalookan na makiisa sa paglilinis sa kailugan ng Marilao, Meycaiayan at Obando.

    Ito ay dahil sa ilan sa mga barangay ng dalawang lungsod ay matatagpuan sa gilid ng nasabing kailugan.

    Ang kailugan ng Marilao, Meycauayan at Obando ay matagal nang idineklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang “biologically dead.”

    Batay sa mga naunang ulat na inilabas matapos mapabilang ang nasabing kailugan sa 30 pinakamaruruming ilog sa mundo noong 2007, may kontribusyon ang mga residente ng mga lungsod ng Valenzuela at Kalookan sa polusyon sa ilog.

    Ito ay dahil sa pagtatapon ng basura sa ilog.

    Ayon kay Alvarado, hindi imposibleng muling mabuhay ang kailugan ng Marilao, Meycauayan at Obando.

    Binigyang diin niya na kailangan lamang ang pakikiisa ang bawat isa para sa paglilinis sa kilaugan.

    Ayon pa sa punong lalawigan, isa sa mga hakbang ay ang aktibong pagpapatupad ng solid waste management.

    Ang sitwasyon ito ay tinugon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na namamahala sa paghakot ng basura sa mga lungsod ng Valenzuela at Kalookan.

    Isa sa mga opisyal ng MMDA ay lumahok sa isinagawang paglilinis ng ilog sa Marilao noong Huwebes.

    Bilang dating alkalde ng Hagonoy, sinabi ni Alvarado na noong dekada 80 ay nagawa nilang linisin ang kailugan ng nasabing bayan sa kabila ng pagtatapon ng mga kemikal mula sa mga pabrika sa bayan ng Apalit sa Pampanga na naging sanhi ng polusyon.

    Ayon sa gobernador, “namangka rin kami noon, nag-ingay at nangampanya para imulat ang taumbayan sa pangangalaga sa ilog.”

    Ito ay sinundan pa nila ng tuwirang pagkilos para sa pagpapasara ng pabrika sa Apalit, Pampanga.

    Dahil dito, binigyang pagkilala ang bayan ng Hagonoy sa pagkakaroon ng pinakamalinis na ilog, ospital at palengke at pagiging pinakamalinis sa buong Gitnang Luzon sa panahon ng panunungkulan ni Alvarado bilang punong bayan.

    Ayon sa gobernador, simple ang naging pananaw nila sa Hagonoy para sa kanilang kampanya sa kalinisan.

    “Kung mamamatay ang ilog, maghihirap ang bayan dahil hindi uunlad ang mga industriya,” aniya.

    Ito rin ang posibleng mangyari sa kailugan ng Marilao at mga pamayanang nakapaligid dito kung hindi malilinis upang ito ay muling buhayin.

    Batay sa naunang pahayag ng administrasyon ni dating Gobernador Joselito Mendoza, ang kasalukuyang kalagayan ng kailugan ng Marilao, Meycauayan at Obando ay hindi naganap sa loob ng maikling panahon.

    Ayon kay dating Provincial Administrator Gladys Sta. Rita, ang polusyon sa nasabing kailugan ay resulta ng mahigit 100-taong kapabayaan at kawalan ng matuwid na pamamahala.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here