Bulakenyo sasabak na sa Olympics

    396
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Good luck Jessie!

    Ito ang magkaka-tugong mensahe ng mga Bulakenyo kay Jessie Khing Lacuna, ang 18-taong gulang na manlalangoy mula sa bayan ng Pulilan na kalahok sa 2012 London Olympics.

    Si Lacuna ay kabilang sa unang tatlong Pilipinong manlalaro na lumisan ng bansa patungong London noong gabi ng Huwebes Hunyo 28 upang lumahok sa tatlong linggong Olympic training camp o dagdag na pagsasanay sa London.

    Ang kasabay ni Lacuna ay ang kapwa manlalangoy na si Jasmine Alkhadi, at ang shooter na si Brian Rosario.

    Ang nasabing training camp ay bilang paghahanda sa mga kalahok sa 2012 London Olympics na magsisimula sa Hulyo 27 at matatapos sa Agosto 12.

    Ito ang ikatlong pagsasagawa ng Olympics sa London sa nagdaang 104 na taon. Unang isinagawa ang Olympics sa nasabing lungsod noong 1908 at nasundan pa noong 1948.

    Inaasahang aabot sa 205 bansa ang lalahok sa 300 sports events sa 2012 London Olympics.

    Sa kanyang mensahe na ipinoste sa kanyang pahina sa facebook.com, sinabi ni Lacuna na ang unang paglangoy niya sa Olympics ay nakatakda sa Hulyo 29.

    Ito ay tinugon ng mga kaibigan ni Lacuna ng mga mensaheng, “good luck Jessie,” “kaya mo yan,” good luck kabayan,” at “God bless.”

    May nagsabi rin ng “we are proud of you!”

    Una rito, sinabi ni Lacuna na matagal niyang pinangarap na makasali sa Olympics.

    Dahil dito, pinagsikapan niya ang lahat ng pagsasanay at lumahok sa ibat-ibang paligsahan sa paglangoy sa bansa at ibayong dagat upang masukat ang kanyang kakahayan.

    Sa mga nasabing paligsahan, hindi nabigo si Lacuna, dahil kadalasan ay nag-uuwi siya ng medalya.

    Isa sa mga natatanging paligsahang kanyang nilahukan ay ang 2012 Singapore National Age Group Swimming Championships kung saan ay binasag niya ang national record na itinala ng manlalangoy na si Miguel Molina sa 2007 Southeast Asian Games na isinagawa sa Thailand.

    Dahil dito, tinanghal na pinakamabilis na manlalangoy sa bansa si Lacuna.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here