Krus ng Sierra Madre maglalakbay sa Bulacan

    627
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Isang linggong mananatili sa Bulacan ang Krus ng Sierra Madre simula Hunyo 25 hanggang Hulyo 2.

    Ito ay bahagi ng ng pinagsamang kampanya ng Diyosesis ng Malolos at mga grupong nagmamahal sa kalikasan na mapalawak ang pagkakaunawa ng mga Bulakenyo sa kaugnayan ng pagkawasak ng kalikasan at kalamidad.

    Ang Krus ng Sierra Madre ay magmumula sa lalawigan ng Cagayan at unang ititigil sa simbahan ng San Miguel sa Hunyo 25.

    Ang susunod na destinasyon ay ang simbahan ng Sta. Monica sa bayan ng Angat na nasa ilalim ng bikarya ng Baliuag.

    Ang huling lugar na pansamantalang pananatilihanng krus sa lalawigan ay ang Katedral ng Malolos at mananatili doon mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 2 kung kailan ay ililipat naman ito sa Diyosesis ng Kalookan.

    Ayon kay Obispo Jose Oliveros, ang paglalakabay ng Krus ng Sierra Madre na yari sa kahoy ay sinimulan ng Sagip Sierra Madre Network Alliance (SSMNA).

    Bahagi ito ng kampanya na higit na mapalawak ang pagkakaunawa ng mga Bulakenyo sa pangangalaga sa kalikasan upang maiwasan ang mga mga kalamidad, katulad ng pananalasa ng bahang hatid ng bagyong Ondoy noong 2009 at mga bagyong Pedring at Quiel nitong nakaraang taon.

    “In our common experience of the aftermath of the phenomenal typhoons, which brought havoc to the whole of Region III, there is no need to explain how nature posts a great hazard to human beings if we continue to disregard our interconnectedness with the environment,” ani Oliveros sa kanyang liham paanayaya sa mga paaralan at maging sa mga mananampalataya ng simbahan.

    Ayon kay Father Efren Basco, tagapamuno ng Diocesan Ecological Environmental Program (DEEP), bukod sa mga misa sa bawat simbahang titigilan ng krus, tatampukan din ito ng mga talakayan.

    Ito ay naglalayon na maipalaiwanag sa mga dadalo ang kasalukuyang kalagayan ng Sierra Madre sa Bulacan.

    Sa mas naunang pahayag, sinabi ni Oliveros na ang Sierra Madre ay ay tahanan ng samut-saring buhay bukod sa pagsisilbing panangga ng lalawigan sa mga bagyong nagmumula sa gawing silangan o Dagat Pasipiko.

    Iginiit din ng Obispo na sa mahabang panahon ay nagsisilbi ring tagasipsip ng tubig ulan ang mga punong kahoy ng Sierra Madre.

    Ngunit ayon kay Bro. Martin Francisco, ang pangalawang tagapangulo ng SSMNA, unti-unting nakakalbo ang kabundukan dahil sa hindi mapigil na pamumutol ng kahoy ng mga timber poacher.

    Ipinaliwanag ni Martin na ilan sa epekto ng pagkakalbo ng kabundukan sa Bulacan ay ang madalas, biglaan at malalim na pagbaha kung tag-ulan; at kung tag-araw naman ay ang mabilis na pagkatuyo ng mga balon ng tubig sa ilalim ng lupa o groundwater.

    “Ilan lang iyan sa manipestasyon ng pag-abuso sa kalikasan sa pamamagitan ng pamumutol ng punong kahoy,” ani Martin.

    Iginiit pa niya na kung hindi mapipigilan ang pamumutol ng punong kahoy sa kabundukan, muling mararanasan ng Bulacan ang hagupit ng kalikasan katulad ng pagbahang hatid ng mga bagyong Ondoy, Pedring at Quiel.

    Una rito, sinabi ni Martin maging ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resoources (DENR) at National Power Corporation (Napocor) na hindi mga Bulakenyo ang namumutol ng puno sa kanundukan.

    Sa bahaging hilaga ng kabundukan na nasasakop ng General Tinio Watershed sa Donya Remedios Trinidad, ang mga namumutol ng punong kahoy ay mga taga-Nueva Ecija.

    Sa bahagi ng Angat Watershed, ang mga namumutol ay mga taga lalawigan ng Rizal at ilang Bulakenyo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here