MALOLOS CITY—Muling namayani ang FUTBULakenyos sa ikalwang linggo ng laro sa Central Luzon Football League (CLFL) matapos nilang talunin ang Pampanga Football Club (FC) sa iskor na 5-1.
Ang sagupaan ay naganap sa Bren Z. Guiao Sports Complex sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga noong Linggo, Mayo 27.
Kaugnay nito, muling maglalaro ang FUTBULakenyos sa Sabado, Hunyo 9 sa Lungsod ng Tarlac kung saan ay makakasagupa nila ang Tarlac FC.
Nakatakda naman ang unang home game ng FUTBULakenyos sa Bulacan Sports Complex sa lungsod na ito sa Linggo, Hunyo 17.
Ang tagumpay ng FUTBULakenyos laban sa Pampanga FC ay ikalawang sunod matapos talunin ang Lighthouse Amihan FC sa pagbubukas ng CLFL noong Mayo 20 sa Jose V. Yap Recreational Center sa Tarlac.
Ito naman ang ikalawang sunod na talo ng Pampanga FC matapos talunin ng Tarlac FC sa iskor na 5-1 noong Mayo 20.
Ayon kay Emmanuel Robles, coach ng FUTBULakenyos, maganda ang simula ng kanilang koponan sa nasabing palaro.
“Nakakapagpataas ng confidence ng mga players, pero kailangan pang pagbutihin ang laro, mahaba pa ang liga,” aniya.
Ayon kay John Bayarong, coach ng Lighthouse Amihan FC, may dalawang round ang liga.
Ito ay nangangahulugan na ang bawat koponan ay maglalaban ng dalawang beses.
Ang koponang may pinakamataas na puntos matapos ang dalawang round ay tatanghaling kampiyon at mag-uuwi ng Sinukuan trophy na muling paglalabanan sa susunod na season.
“The league is a home and away format with each team playing three home games and 3 away games,” ani Bayarong.
Kaugnay nito, sinabi ni Christian de Ocampo, commissioner ng CLFL na umaasa sila na magbuo rin ng sariling liga ang ibang rehiyon.
Kaugnay nito, patuloy na naghahanap ng suporta ang FUTBULakenyos upang maipagpatuloy ng kanilang nasimulan sa CLFL.
Sinabi ni Robles na sa kasalukuyan ay sa kanilang sariling bulsa kumukuha ng pamasahe ang mga kasapi ng FUTBULakenyos.