CSF open dumpsite ibinulgar ng obispo
    ‘Mayor Oca is trying his best, but his best is not good enough’

    311
    0
    SHARE

    Si Bishop David kasama ang mga environmentalists sa pangunguna ni Sonny Dobles nang mag-inspeksyon sa Lara dumpsite.

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pinasinungalingan ni Obispo Pablo David ang pahayag ng Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon na isang controlled dumpsite na ginagamit na tapunan ng basura ang nasa Lungsod ng San Fernando.

    Sa halip, isa iyong open dumpsite, ani David patungkol sa basurahan na matatagpuan sa Barangay Lara sa nasabing lungsod.

    Bilang auxiliary bishop ng Diyosesis ng San Fernando at isa sa mga nagsusulong ng adbokasiyang makakalikasan sa Pampanga, sinabi ni David na noong Martes lamang ay binisita niya ang nasabing open dumpsite at kinunan pa ng larawan.

    “I am surprised that the director of the EMB would call it a controlled dump,” ani David sa mga lumahok sa dalawang araw na regional summit workshop for the academe and the environment na isinagawa sa Barasoain Center for Innovative Education (BarCIE) sa La Consolacion University –Philippines sa lungsod na ito.

    Nilinaw ng obispo na ang controlled dumpsite ay natabunan na ng lupa at tinaniman ng mga halaman at punong kahoy ang ibabaw.

    Ngunit hindi ito ang larawan ng basurahan sa Lara, Lungsod ng San Fernando,Pampanga.

    “It is still an open dump, iligal iyon, at hindi lang opendump may mga nasusunog pang basura,” aniya.

    Ayon kay David, hindi isang pagbatikos kay Mayor Oscar Rodriguez ang kanyang pahayag, sa halip ay pagtawag pansin at pagtutuwid sa pahayag ni Lormelyn Claudio, ang direktor ng EMB sa Gitnang Luzon.

    Sinabi pa ng Obispo na kinikilala niya ang maraming nagawa ni Rodriguez sa larangan ng mabuting pamamahala sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

    “Maraming nagawa sa good governance si Mayor Oca, bilib ako sa kanya. But has he succeeded in ecological solid waste management? No!” ani David.

    Iginiit rin niya na alam niyang ipagdaramdam ni Rodriguez ang pagdalaw niya sa Lara open dumpsite, dahil ginagawa naman ng alkalde ang lahat ng magagawa.

    Ngunit sinabi niya, “Mayor Oca is trying his best, but his best is not good enough.  Hindi niya kayang solusyunan ang ecological solid waste management alone.”

    Una rito, sinabi ni Claudio na sa mga lumahok sa dalawang araw na summit workshop na sinisimulan na ang isang waste-to-energy project sa controlled dumpsite sa Lungsod ng San  Fernando.

    Ang pahayag ni Claudio ay bilang tugon sa tanong ng mamamahayag na ito matapos ang kanyang presentasyon sa dalawang araw na summit workshop na inorganisa ng Sentro ng Edukasyon para sa Ekonomiya at Kalikasan (SEEK) ng Bulacan State University.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here