LUNGSOD NG MALOLOS – May pagbabanta ba sa buhay ni Wilfredo Nieves, ang hukom na nagbigay ng hatol na 17 hanggang 30 taong pagkakabilanggo kay Raymond Dominguez na sinasabing lider ng isang carnap gang?
Ito ang katanungang naghahanap ng kasagutan noong Miyerkoles, Abril 18 o kinabukasan matapos niyang ilabas ang hatol kay Dominguez.
Ito ay dahil sa lumiban si Nieves sa trabaho at di alam kung kailan babalik.
“On leave si judge,” ani ng isang kawani ng korte na humiling na huwag banggitin ang kanyang pagkakakilanlan.
Batay naman sa kuwento ng ng iba pang kawani, nakaramdam ng banta sa buhay ang hukom ilang oras matapos hatulan si Dominguez.
Ito dahil sa may ilang sasakyan umaaligid di kalayuan sa gusali ng Regional Trial Court (RTC) sa lungsod na ito.
Batay sa kuwento, namukhaan ng ilang kawani ang mga lalaking sakay ng mga sasakyan na siya ring mga tao na nakita sa paligid ng RTC ilang oras bago paslangin ang negosyanteng si Cristina Roxas noong huling bahagi ng Enero.
Si Roxas ay isa sa mga nagsampa ng kasong carnapping laban kay Dominguez. Siya ay pinaslang habang nakasakay sa isang jeepney sa labas ng bakuran ng kapitolyo matapos makansela ang pagdinig sa kasong kanyang isinampa.
“May threat daw,” ani ng isa pang kawani ng korte na tumanggi ring magpakilala.
Ikinuwento pa niya na napilitang humingi ng pulis escort si Nieves noong Martes ng hapon.
Ito naman ay kinumpirma ni Senior Supt. Fernando Mendez, ang direktor ng pulisya sa Bulacan.
“For security precaution,” ani Mendez sa isang text message na ipinadala sa mamamahayag na ito noong Miyerkoles ng tanghali.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Abogado Jose Cruz na inilipat na sa National Bilibid Prisons sa lungsod ng Muntinlupa si Dominguez noong Martes ng hapon.
Ikinagalak din ni Cruz ang mabilis na paglilitis sa kanyang kliyenteng si Dominguez .
“It should be that way, para makagawa kami ng mga motions in behalf of my client,” ani Cruz sa isang panayam ng Radyo Bulacan noong Miyerkoles.
Iginiit din niya na nagsumite na siya ng mosyon sa Court of Appeals (CA) upang rebisahin ang kaso ni Dominguez.
Hinggil naman sa posibleng domino effect ng katatapos na kaso ng kanyang kliyente sa mga nalalabi pang kaso, sinabi ni Cruz na magkakaiba ang kaso at magkakaiba rin ang saksi at ebidensiyang ipiprisinta.
Sinabi ni Cruz na 14 na kaso ni Dominguez ang hawak niya bilang manananggol, ngunit apat na roon ang ibinasura.
Ito ay nangangahulugan na ang kasong hinatulan ni Nieves ay ang kauna-unahang kasong natalo si Dominguez at nahatulan.