Sunugan ng gulong sa Guiguinto, ipinasara

    360
    0
    SHARE

    GUIGUINTO, Bulacan – Magkasamang ikinandado ng kapitolyo at ng tanggapan ng Environment Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon ang isa pang sunungan ng gulong sa bayang ito noong Martes, Marso 6.

    Ang pagpapasara ay bunga ng reklamo ng mga residente hinggil sa usok at amoy na ibinubuga ng Bio-Eco Solutions Technology Inc., di kalayuan sa tanggapan ng Technical Education and Skills Development Administration (TESDA) na matatagpuan sa Barangay Tabang sa bayang ito.

    Ito ang ikatlong planta na nagsusunog ng gulong sa lalawigan na ipinasara ng EMB sa loob ng apat na taon; at ikalawang planta na ikinandado mula noong nakaraang Hulyo kung kailan nasara ang Clevelang Enviro Solutions Inc., sa  Lungsod ng San Jose Del Monte.

    Ayon kay Lormelyn Claudio, direktor ng EMB, bago nila tuluyang ikinandado ang planta ng Bio-Eco Solutions Inc., ay pinadalhan muna nila ito ng notice of violation (NOV) upang ituwid ang pagka-kamali sa operasyon.

    Ngunit hindi tumugon ang nasabing kumpanya na nagsusunog ng mga gamit na gulong upang makatas ang langis at maibenta bilang bunker oil.

    Kasama ang mga pulis, inihain nina Claudio, Abogado Teddy De Belen, hepe ng  Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) at Gob. Wilhelmino Alvarado ang cease and desist order (CDO).

    Ito ay tinanggap ng guwardiyang si Romeo Francisco, habang nakamasid ang abogado ng kumpanya.

    Ayon kay Claudio, dapat itinigil ng Bio-Eco Solution ang operasyon matapos nilang ibigay ang NOV, ngunit nagpatuloy parin ito.

    Dahil dito nagpatuloy ang reklamo ng mga residente  ng Barangay Tabang, maging ng mga mag-aaral sa TESDA training center.

    Kabilang sa mga inireklamo ng mga residente ay ang usok na nagmumula sa planta, at ang amoy na masakit sa dibdib.

    Para naman kay Alvarado, hindi sila papayag na muling magsagawa ng operasyon ng Bio-Eco Solutions hanggat hindi itinutuwid ng pagkakamali.

    “We will not allow them to operate, until such time na magkaroon sila ng safe na technology na hindi nakakapinsala ng kapaligiran at kalusugan ng mga mamamayan,” ani ng gobernador.

    Binigyang diin din ni Alvarado na ang lokasyon ng planta ay malapit sa mga bahayan.

    Matatandaan na noong Agosto 2007, ipinasara ng EMB ang Ming Hong Trading sa Barangay Partida, Norzagaray dahil sa reklamo ng mga residente.

    Ang Ming Hong at katulad ng Bio-Eco Solutions na nagsusunog ng gamit na gulong upang makatas ang langis.

    Batay sa mga impormasyong naipon ng Punto, ang nasa likod ng operasyon ng Ming Hong ay si Apolonio Marcelo, ang dating alkalde ng Angat.

    Ang operasyon ng Ming Hong ay tuluyang natigil dahil sa di pagbibigay ni Mayor Feliciano Legazpi ng Norzagray ng business permit sa nasabing planta.

    Matapos masara ang Ming Hong, isa pang katulad na planta ang ipinasara ng EMB sa bayan ng Angat at ayon sa mga source ng Punto ay malaki ang posibilidad na ang mga nasa likod ng operasyon ng Ming Hong ang may kinalalaman sa operasyon nito.

    Noong Hulyo ng nakaraang taon, ipinasara din ng EMB at ni Alvarado ang Cleveland Enviro Solutions sa Lungsod ng SJDM matapos ireklamo ng mga residente.

    Sa pagkakandado ng operasyon ng Cleveland ay kasama nina Claudio at Alvarado si Mayor Rey San Pedro ng SJDM.

    Nasundan pa ito ng pagbibigay ng NOV ng BENRO sa Mighty Corporation sa Barangay Tikal, Malolos noong Nobyembre.

    Ito ay matapos ipabatid kay Alvarado ng mamamahayag na si Rommel Ramos ng Radyo Bulacan ang reklamo ng mga residente.

    Ang reklamo ay unang inihain ng mga residente kay Mayor Christian Natividad ng Malolos, ngunit hindi natugunan.

    Ni Dino Balabo at Rommel Ramos

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here