Britons interesadong magnegosyo sa Bulacan

    287
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Tiniyak ng Embahador ng Britanya sa Pilipinas na si Stephen Lillie ang pagpapaigting ng relasyong pang-ekonomiya at pangkalakalan sa Bulacan.

    Ito ay dahil sa inaasahang higit na pag-igting ng pang-ekonomiyang oportunidad at potensyal sa mga susunod na taon sa hilagang silangang Asya, partikular na sa Pilipinas.

    “We look forward to strengthen our relations with South East Asian countries, particularly the Philippines, and increase trade and economic relations in Bulacan,” ani Lillie sa kanyang pagbisita sa lalawigan noong nakaraang linggo.

    Ayon sa embahador, pinagtutuunan nila ng pansin ngayon ang posibilidad ng pagpapaunlad sa sector ng renewable energy.

    Ito ay dahil sa ang Pilipinas ang nangunungang bansa sa geothermal energy at may higit na potensyal para sa pagpapaunlad ng wind at biomas energy;  samantalang ang Bulacan ay isa sa nangungunang lalawigan sa paglikha ng kuryente o hydro power generation sa pamamagitan ng 246-megawatt Angat River Hydro Electric Power Plant  (Arhepp) na matatagpuan sa bayan ng Norzagaray.

    “Bulacan has so much potentials and opportunities in renewable energy development. With more opportunities, I believe more British companies will come here,” ani Lillie.

    Nilinaw ng embahador na ang interes ng mga negosyanteng Briton sa renewable energy ay kaugnay ng kanilang plano na bawasan ang paggamit ng langis sa paglikha ng enerhiya.

    “It’s part of our plan to be less reliant on oil and gas and to have energy security,” aniya.

    Binigyang diin ng embahador na ang pagpapaunlad sa renewable energy ay hindi lamang makakatugon sa kalikasan, kundi isa ring panlaban sa epekto ng climate change o pagbabago ng klima ng mundo.

    Binanggit niya ang karanasan ng lalawigan matapos ang pananalasa ng mga bagyong Pedring at Quiel noong isang taon na halimbawa ng pagngangalit ng panahon sa mundo hatid ng climate change at global warming.

    Ikinagalak naman ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang hakbang ni Lillie para sa pagpapalakas ng relasyon nito sa Bulacan.

    Sinabi ni Alvarado na ilang kababayan ni Lillie ang nagsimula na ng negosyo sa lalawigan.

    Bukod dito, sinabi niya na ang malapit na relasyon ng Bulacan sa Britanya ay magbubukas ng pinto para sa mga kabataang Bulakenyo na maging bahagi ng cultural exchange program.

    Sa kasalukuyan, siyam na kabataang Briton ang kasalukuyang nagsasagawa ng community work sa bayan ng Hagonoy at may darating pang higit na marami para sa katulad na gawain sa Lungsod ng San Jose Del Monte simula sa Abril.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here