Alkalde ng Cagayan De Oro nagpasalamat sa Bulacan

    353
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG CAGAYAN DE ORO, Misamis Oriental – Lubos ang pasasalamat ni Mayor Vicente Emano ng lungsod na ito sa mga nagpahatid ng tulong sa kanila, kabilang ang Bulacan matapos manalasa ang bagyong Sendong noong Disyembre.

    Sa panayam ng Punto kay Emano kamakailan, umabot na sa P68-milyon ang halaga ng mga tulong na salapi na ipinahatid sa kanila ng mga pribadong samahan at mga pamahalaang lokal.

    Ang naipong tulong ay inihahanda ng pamahalaang lungsod ng Cagayan De Oro para sa pagpapatayo ng mga pabahay para sa mga nasalantang residente matapos masalanta ng biglang pagbahang hatid ng bagyong Sendong noong Disyembre 16.

    “Hindi namin makakalimutan ang mga tumulong sa amin,”ani Emano ng kapanayamin ng mga kasapi ng Philippine Network of Environmental Journalists (PNEJ).

    Ang PNEJ ay naglakbay sa lungsod na ito at sa kalapit na lungsod ng Iligan bilang pagsusuri sa epekto ng kalamidad isang buwan matapos ng biglang pagbaha.

    Bilang kasapi ng PNEJ, tinanong ng mamamahayag na ito si Emano kung natanggap ang tulong na dinala ng Bulacan noong Disyembre 26.

    “Malaking tulong ang ibinigay sa amin ng Bulacan at iba pang mga LGU (local government units), pati mga private organizations,” ani Emano.

    Idinagdag pa niya na ang listahan ng mga nagpahatid ng tulong sa kanila maging ang halaga ay nakapaskil sa malaking tarpaulin poster sa harap ng gusali ng pamahalaang panglungsod.

    Sa mas naunang pahayag, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na ang ipinahatid nilang tulong sa mga Lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan ay bilang isang pagtanaw ng utang na loob sa mga tumulong sa Bulacan sa panahon ng kalamidad noong Setyembre at Oktubre.

    Bilang bahagi ng pasusuri sa epekto ng kalamidad sa lungsod na ito, ibinulgar ni Emano na ang biglang pagbaha ay hatid ng walang habas na pamumuntol ng punong kahoy sa kabundukan ng Lanao at Bukidnon na bahagi ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).

    “Sa kanila galing yung tubig dahil sa logging sa Lanao at Bukidnon, kami ay taga-salo lang ng tubig dito sa Cagayan De Oro,” ani Emano.

    Hinggil sa kahandaan sa pagtugon sa biglaang pagbaha inamin ni Emano na hindi sila handa.

    Inamin din niya na wala silang flood forecasting system at mga rain gauges sa kahabaan ng Cagayan De Oro River na susukat sa tubig ulan.

    Gayunmapan, iginiit niya na ang kalamidad nitong Disyembre ay naghatid sa kanila ng isang malinaw na aral.
    “Magahahanda na kami sa susunod, mag-aaral kami para mas maging handa,” ani ng alkalde.

    Kaugnay nito, sinabi ni Kinatawan Rufus Rodriguez ng ikalawang distrito ng lungsod na ito na nag-file na siya ng resolusyon sa Kongreso upang imbestigahan ang logging operations sa ARMM.

    Tiniyak niya na iimbestigahan ang mga opisyal ng Lanao, ARMM, Sandatahang Lakas ng Pilipinas at making pulisya.

    Si Rodriguez ay nakapanayam ng mga kasapi ng PNEJ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Lunes, matapos siyang makasakay sa eroplano pabalik ng Maynila. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here