Pananampalataya, sikreto ng ‘Century Man’ ng Bulacan

    439
    0
    SHARE

    OBANDO, Bulacan – Gamit ang kanyang tungkod, magilas na lumakad sa gitna si Fortunato “Tato” Sanchez Sr., kasunod ng kanyang anak na si Violeta.

    Medyo mabagal ang kanyang mga hakbang at isa-isang kinikilala ang mga sumalubong sa kanya sa bulwagan ng Jacobe Soledad Garden, isang functional hall sa Barangay Paco ng bayang ito.

    Kapag nakilala ang sumalubong at bumati sa kanya, isang malapat na ngiti ang ganti ni Sanchez na kilala sa tawag na “Tatay Tato.”

    May ilang pumuri sa kanyang suot na Amerikana at kurbata, pero ang bawat isa sa mahigit 100 kataong bisita niya ay iisa ang mensahe sa kanya.  “Happy birthday po!”

    Ipinagdadasal ng mga kamag-anak at mga pastor ng United Methodist Church si Tatang Tato sa kanyang ika-100 kaarawan.

    Araw ng linggo noon, ika-11 ng Disyembre, ang pinakamasayang araw kay Tatay Tato ay sa kanyang mga bisita na nakiisa sa pagdiriwang ng kanyang ika-100 kaarawan.

    Oo, ika-100 taong kaarawan ni Tatay Tato na tinagurian din bilang “century man” ng Bulacan.

    Ngunit sa kabila ng kanyang edad ay hindi maiisip ninuman na makakakita sa kanya sa unang pagkakataon na ganoon na nga ang kanyang edad.

    Ito ay dahil sa malakas at malusog pa angpangangatawan ni Tatay Tato maliban na lamang sa paglabo ng paningin at paghina ng pandinig na hatid na rin ng mahabang panahon.

    Hindi rin maitatanggi ang linaw ng kanyang isipan na masasalamin sa kanyang mga sagot sa isang maikling panayam.

    “Gusto ko pang mabuhay ng mahaba,” aniya at kung ipagkakaloob sa kaniya ng Diyos ang kaniyang kahilingan, may nakahanda na siyang paglaanan nito.

     Bilang isang Kristiyano ay isa sa mga unang kasapi ng Paco United Methodist Church sa bayang ito, sinabi ni Tatay Tato na iaalay niya sa Diyos ang buhay niya.

    Para kay Tatay Tato, ang sikreto ng kanyang mahabang buhay ay ang pananampalataya at katapatan sa Diyos.
     Ang kanyang pananampalataya ay masasalamin sa ilang bagay sa kanyang buhay.

    Una, wala siyang bisyo.  Hindi siya naninigarilyo at hindi rin umiinom ng alak, bukod sa hindi nagsusugal.
    Ikalawa, mabuti ang kanyang ginagawa sa kanyang kapwa bilang pagkilala na ang kapwa tao ay nilikha rin na kawangis ng Diyos.

    Ikatlo, hindi siya nakakalimot sa pananalangin at paggawa ng mga produktibong gawain sa bahay katulad ng paglilinis.

    Ayon sa kanyang mga anak na sina Violeta at Helen Sanchez-Cristobal, kabilang sa kanilang pagaanyaya sa kanilang ama na makipisan sa kanilang tahanan ay minabuti nitong mapag-isa sa kanyang bahay.

    “Siya ang namamalengke, nagluluto at nalilinis sa bahay,” ani Helen.

    Sa pagitan ng pananalangin at ibat-ibang gawaing pang-araw-araw, hindi nakakalimot si Tatay Tato sa pakikisalamuha sa kanyang mga anak, mga apo at iba pang kaanak.

    Sa kabuuan, 10 ang naging supling nina Tatay Tato at ng kanyang pumanaw na maybahay na si Maria Corazon Sanchez.

    Sa kanilang 10 supling, umabot sa 50 ang apo ng mag-sawang Sanchez, bukod pa sa mahigit 70 apo sa tuhod.

    Si Tatay Tato ay isinilang sa Sitio Balwarte sa baybayin ng bayan ng Bulakan noong Disyembre 11, 1911.
    Nanatili sila doon hanggang magsilaki ang kanilang mga anak at lumipat sa Barangay Paco.

    Bilang padre de pamilya, itinatguyod ni Tatay Tato ang pag-aaral ng kanilang mga anak bilang isang engkargado o katiwala sa palaisdaan.

    Noong 1986, si Tatay Tato ang isa sa nanguna sa pagtatayo ng Paco United Methodist Church na unang nagsagawa ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanilang tahanan habang itinatayo ang kapilya nito. –Dino Balabo

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here