2 PARANGAL INIUWI
    Bulakenyo namayagpag sa World Robot Olympiad

    418
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Muling namayagpag ang kabataang Bulakenyo sa World Robot Olympiad (WRO) matapos makamit ang ika-apat na karangalan, at natatanging parangal na “best in technical design”.

    Ang kanilang lahok na robot ay pinangalanang “Magis” o “Man’s All-Around Global Interactive Solutions.”

    Ang WRO ay isinagawa sa Abu Dhabi National Exhibition Center sa United Arab Emirates (UAE) noong Nobyembre 19 hanggang 20.

    Ang mga kabataang Bulakenyong kalahok ay pawang mag-aaral ng Dr. Yanga’s Colleges Inc., (DYCI) na nakabase sa Barangay Wakas, sa bayan ng Bocaue.

     Ang koponang lahok ng DYCI sa WRO na isinagawa sa SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay noong nakaraang taon ang tinanghal na kampiyon.

    Isa sa mga kasapi ng koponan ng DYCI na naging kampyon noong nakaraang taon ay nagsilbi namang team captain sa katatapos na WRO sa Abu Dhabi.

    Siya ay si Alexandra Mae Guevarra na ngayon ay nasa ikatlong taon ng pag-aaral sa DYCI high School na nagmula sa bayan ng Bocaue.

    Kasama ni Guevarra sa kasalukuyang koponan nina Claire Receli Reñosa ng Guiguinto na nasa ikatlong taon din sa DYCI High School; at si Chelsea Andrea Morales, isang second year student  ng DYCI na nagmula sa bayan ng Bocaue.

    Ayon kay Bery Cruz, guro sa nasabing paaralan at coach ng koponang DYCI Primes, hindi madali ang kanilang pagwawagi.

    Binigyang diin niya na parang pumasok sila sa butas ng karayom dahil sa mahuhusay din ang mga kalahok na nagmula sa mayayamang mga bansa.

    Gayunpaman, tinalo ng DYCI Primes ang 27 koponan na nagmula sa 31 bansa ng makuha nila ang ika-apat na karangalan sa open category ng junior high school.

    Ang tinanghal na kampiyon sa taong ito ay ang Malayasi, ikalawa ang South Africa at ikatlo ang South Korea.

     Sa “best in technical design,” nilampaso ng DYCI Primes ang lahat ng koponang kasali mula sa 31 bansa, nang makamit nila ang pangunahig parangal.

    Nakamit naman ng International School of Manila (ISM) ang ikalimang karangalan sa junior high school open category, samantalang ang Philippine Science High School-Camarines Sur campus ay nagkamit  ng ikalimang karangalan sa “Robot Soccer” category.

    Sa isinagawang Philippine Robotics Olympiad (PRO) na nagsilbing qualifying round para sa WRO, ang ISM ang tinanghal na kampiyon at pumangalawa sa kanila ang DYCI Primes. Ngunit sa WRO, naungusan ng DYCI Primes ang koponan ng ISM.

    Ayon kay  Cruz, isang inspirasyon sa kanila ang pagkakampiyon ng DYCI noong nakaraang taon.

     Ang kambal pagwawagi sa WRO ay ika-apat na karangalang natanggap ng DYCI sa loob ng tatlong taon.

    Noong 2009, nakamit nila ang ika-siyam na parangal sa WRO na isinagawa sa Seoul, South Korea; at noong nakaraang taon, sila ang tinanghal na pangkalahatang kampiyon sa WRO. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here