Si Magis at ang mga kabataang Bulakenyo na lumikha sa kanya.
MALOLOS—Siya’y hindi tao, at hindi rin hayop, ngunit nakaka-aliw, may kakayahan alamin ang blood pressure at may alaga pang tuta na nakakabatid ng palapit na baha.
Siya ay si Magis, isang robot na binuo ng mga mag-aaral ng Dr. Yanga’s Colleges Inc., High School (DYCI-HS) na sina Alexandra Mae Guevarra, Claire Recelis Renosa at Chelsea Andrea Morales.
Ang pangalang Magis ay pina-ikling salita para sa “Man’s all-Around Global Interactive Solutions” batay sa kakayahan ng robot na binuo ng mga mag-aaral ng DYCI-HS na nakabase sa Barangay Wakas, Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Beryl Cruz, guro ng DYCI at tagapagsanay ng koponang DYCI Primes na nagwagi ng ika-apat na karangalan sa katatapos na World robot Olympiad (WRO), si Magis ang kanilang naging lahok sa taunang pandaigdigan paligsahan.
Si Magis ay isang limang talampakang robot na may kakayanang alamin ang blood pressure at maging ang temperatura ng katawan ng isang tao.
Mayroon ding electronic brail (e-brail) si Magis para sa mga matatandang hindi makabasa, at mayroon ding light emiting diode (LED) projector para sa panonood ng pelikula.
Bukod dito, mayroon ding alagang tuta si Magis na may kakayahang matukoy ang papalapit na baha.
Ang tutang alaga o kasama ni Magis ay isa ring robot.
“Magis was designed to help man in everyday life,” ani Cruz.
Iginiit pa niya na maroon din itong programa para sa paglalaro.
Ang programang ito ay ang larong “tic-tac-toe” na tinaguriang “Amicus”, isang salitang Latin na ang ibig sabihin ay “kaibigan.”
Ipinaliwanag ni Cruz na habang nilalaro ng “tic-tac-toe” nagpapakita rin ito sa LED projector ng malungkot at masayang larawan na nagpapakita ng emosyon.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay tinanghal na kampiyon sa WRO na isinagawa sa SMX Convention Center ang DYCI-HS.
Sa nasabing paligsahan, ang kanilang inilahok na robot ay tinaguriang “PNoy da Robot.’
Ang pangalang ito ay isinunod nila sa palayaw ni Pangulong Benigno Aquino III na nagwagi sa halalang pampanguluhan noong 2010.