Masusing pag-aaral sa Angat Dam dapat tiyakin ng pamahalaan

    266
    0
    SHARE

    Bilang isang dam safety expert, ipinayo ni Inhiyero Roderick Dela Cruz ng Southern California Edison ang pagkakaroon ng independent consultant ng gobyerno sa pagsasagawa ng pag-aaral sa katatagan ng Angat Dam.

     Ang Kontratang nagkakahalagang P30.78 Milyon ay ipinagkaloob ng pamahalaan sa Edcop at Tonkin and Taylor upang magsagawa ng pag-aaral. Kuha ni Dino Balabo

    HAGONOY, Bulacan—Sino ang magsusuri sa mga resulta ng isinasagawang pag-aaral ng Engineering Corporation of the Philippines (Edcop) at Tonkin & Taylor sa katatagan ng Angat Dam?

    Ito ang katanungan ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety expert mula sa bayang ito matapos ipagkaloob ng National Power Corporation (Napocor) Metropolitan Waterworks and Sewerage Service (MWSS) at Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) ang kontrata sa mga nabanggit na kumpanya noong unang linggo ng Nobyembre.

    Ang nasabing kontrata na nagkakahalaga ng P30.78-milyon ay matatapos sa loob ng anim na buwan.

    Kaugnay nito, inamin ng isang opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) na nangangamba na sila sa katatagan ng mga rubber gates ng Bustos Dam, kaya’t nagpatapos sila ng 1,300 cubic meters per second ng tubig noong Setyembre 27 na naging dahilan ng paglubog sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit.

    “Dapat tiyakin ng gobyerno na tama ang resulta ng pagsusuri at mga rekomendasyon ng Edcop at Tonkin & Taylor sa Angat Dam,” ani Dela Cruz na isang lead dam safety engineer ng Southern California Edison (SCE) sa Estados Unidos.

    Si Dela Cruz ay isinilang at lumaki sa bayang ito.  Siya ay umuwi noong Nobyembre 12 at nakapanayam ng Punto noong Nobyembre 17.

    Ayon kay Dela Cruz, isa sa problema sa pagsusuri sa mga magiging rekomendasyon ng Edcop at Tonkin & Taylor ay ang kakulangan ng eksperto sa bansa sa larangan ng dam safety.

    Ang katotohanang ito ay hindi naman itinanggi ni Inhinyero Romualdo Beltran ng Napocor sa mas naunang panayam.

    Ayon kay Dela Cruz, sa kawalan ng ekspertong may kaalaman, kakayahan at karanasan sa pangangalaga ng katatagan ng dam sa bansa, mas higit na problema ang hinaharap ng bansa.

    “Kailangan nila ng second opinion, katulad din lang iyan ng pasyenteng na-diagnose na may cancer, nagpapakonsulta sa ibang duktor para sa second or third opinion,” ani Dela Cruz.

    Inayunan din ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang pananaw ni Dela Cruz.

    Bilang isa sa mga kasapi ng binuong technical working group (TWG) sa pagsusuri ng katatagan ng Angat Dam, inamin ni Alvarado na kailangan nila ng pag-alalay ng mga eksperto sa dam safety.

    “Hindi lahat sa amin sa TWG ay maalam sa dam safety, bibilugin lang kami doon kaya importante na may indipendyenteng nagpapaliwanag sa amin upang matiyak na akma ang pagsusuri at rekomendasyon,” ani Alvarado.

    Ang pananaw na ito ay inayunan ni Dela Cruz at sinabing “dapat ay mayroong independent consultant ang government na magmomonitor sa study at para hindi maging gospel truth yung sasabihin ng contractor.”

    Iginiit pa ni Dela Cruz na dapat ay kasama na ang Edcop at Tonkin & Taylor ang independent consultant ng gobyerno sa pagsasagawa ng pag-aaral sa katatagan ng dam.

     “Importante yan, para habang nagsasagawa ng study, nakakapagbigay na ng inputs yung independent consultant,” aniya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here