SP: Maynilad dapat magtayo ng reservoir

    623
    0
    SHARE

    BUSTOS, Bulacan – Walang silbi ang synchronization ng dam protocol sa pagpapalabas ng tubig kung hindi magtatayo ng sariling tinggalan ng tubig o reservoir ang Maynilad Water Services Inc., (Maynilad).

    Ito ang buod ng isinagawang espesyal na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan sa Bustos Dam sa bayang ito noong Huwebes (Nobyembre 10) na dinaluhan ng mga opisyal sa lalawigan at mga namamahala sa dam.

    Ang nasabing sesyon ay isinagawa upang matukoy ang dahilan ng malalalim at malawakang pagbaha na nagpalubog sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit, Paombong at Lungsod ng Malolos noong nakaraang buwan.

    Nagpahayag naman ng pagkagulat ang mga opisyal ng lalawigan sa pagbubulgar sa nasabing sesyon ni Inhinyero Heminigildo Medrano na ang Maynilad ay direktang ginagamit ang Ipo Dam sa bayan ng Norzagaray bilang reservoir o tinggalan ng tubig.

    Si Medrano ay nagmula sa Maynilad at isang superbisor ng  Common Purpose Facilities (CPF), ang kumpanya itinayo ng nasabing kumpanya at ng Manila Water Corporation Inc.,(Manila Water) upang mamahala sa Ipo Dam.

    Ayon kay Medrano, ang tubig na pinadadaloy ng Manila Water sa silangan ng kalakhang Maynila ay itinitinggal sa La Mesa Dam sa Novaliches, Lungsod ng Quezon, bago linisin sa Balara Filtration Plant.

    Ngunit ang Maynila ay direktang kumukuha ng tubig mula sa Ipo Dam na nagsisilbing reservoir nito.

    Sa pamamahala sa Ipo Dam bilang tinggalan ng tubig ng Maynilad, sinabi ni Medrano na kailangan nilang panatilihin ang water elevation doon sa 99.8 meters above sea level (masl) hanggang 100.2 masl upang magpatuloy ang pagpapadaloy ng Maynilad sa mga konsesyunaryo nito sa kanlurang bahagi ng kalakhang Maynila.

    Ang spilling level ng Ipo Dam ay 101 masl.

    “I am shocked to know that Maynilad is directly using Ipo Dam as their reservoir,” ani Bokal Therese Cheryl Ople na nagsabi pa na hindi ipinabatid sa pamahalaang panglalawigan ng Maynilad at Metropolitan Watwrworks and Sewerage System (MWSS) ang nasabing lihim sa mahabang panahon.

    Sinabi naman ni Vice Governor Daniel Fernando na ipatatawag nila sa lalong madaling panahon ang MWSS at Maynilad upang magpaliwanag kaugnay ng pagbubulgar ni Medrano.

    Iginiit pa niya na pag-aaralan din ng Sanggunian ang pagsasampa ng kasong tax evasion laban sa MWSS at Maynilad.

    Inayunan ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang pahayag ni Fernando at sinabing mula pa noong nakaraang taon ay hinahabol na ng kapitolyo ang naglalakihang kumpanya sa Bulacan dahil sa hindi pagbabayad ng sapat na buwis.

    Patungkol naman sa ipinagmamalaking solusyon sa pagbaha ni Pangulong Benigno Aquino III na synchronization of dam protocols, iginiit ni Alvarado na ito ay mawawalan ng silbi.

    Binigyang diin niya na na hanggat’t hindi nagtatayo ng sariling reservoir o tinggalan ng tubig ang Maynila, palaging lulubog sa baha ang malaking bahagi ng Bulacan kapag tag-ulan.

    “The National government must do something and we strongly urge them construct a reservoir for Maynilad,” ani Alvarado.

    Ipinaliwanag ng gobernador na ang isa sa posibleng probisyon ng synchronized dam protocol ay ang preemptive release o maagang pagpapatapon ng tubig bago bumagyo upang matiyak na hindi aapaw ang dam.

    Ngunit ang preemptive release ay hindi magagawa sa Ipo Dam dahil sa kailangang panatilihin sa 99.8 masla hanggang 100.2 masl ang lalim ng tubig doon.

    Kung bababa sa nasabing water elevation ang tubig sa Ipo Dam, hindi naman mapapadaluyan ng Maynilad ang kanilang mga konsesyunaryo sa kanluran ng kalakhang Maynila.

    “How can they do preemptive release of water when Maynila requires a certain water elevation, or else, it will not be able to distribute to 60 percent of Metro Manila,”  ani ng gobernador.

    Ang Ipo Dam ay matatagpuan sa bulubunduking bahagi ng Norzagaray.  Ito ang nagsisilbing tinggalan ng tubig na pinalalabas mula sa higanteng Angat Dam.

    Kapag nagpatapon ng tubig sa Ilog Angat ang Ipo Dam, ito ay pansamantalang naititinggal sa Bustos Dam na matatagpuan sa pagitan ng mga bayan ng Bustos at San Rafael.

     Mula naman sa Bustos Dam, ang tubig na pinatapon sa Ilog Angat ay dadaloy sa Manila Bay ngunit dadaan muna ito sa Ilog Angat sa bahagi ng Calumpit, Paombong at Hagonoy na noong nakaraang buwan ay pawang lumubig sa malalim na baha.

    Bago tuluyang humupa ang nasabing baha, ipinagmalaki ni Pangulong Aquino ang pagtatalaga kay Public Works Secretary Babes Singson bilang “water czar” sa layuning masolusyunan ang mga problema sa tubig sa bansa, kabilang na ang tag-tuyot at pagbaha.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here