SIDEBAR
    3 buwang gulang nang magsimulang lumangoy

    307
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Sa edad na 17-taong gulang, isa nang matagumpay na manlalangoy si Jessie King Lacuna ng Pulilan, Bulacan.

    Ngunit halos kalahati ng panahong iyon ay ipinamalagi niya sa tubig dahil sa mga pagsasanay na tumatagal ng halos walo hanggang 12 oras.

    Bukod dito, sinabi ni Lacuna na nagsimula siyang turuang lumangoy sa edad na tatlong buwan.

    Ikunuwento niya na nakatira sila noon sa isang resort sa Bulacan at siya ay inihagis ng kanyang ama na si Marcelo sa swimming pool.

    Ang tanging suot noon ng batang Lacuna ay ang floating armband.

    Sa mas naunang panayam, sinabi ng matandang Lacuna na ang nasabing insidente ay nagbukas ng kanyang mata sa potensyal ng kanyang anak.

    Dahil dito, sinanay niya ang anak at ipinasok sa swimming class.

    Ayon sa matandang Lacuna, kakaiba ang interes ng anak sa paglangoy dahil sa pagtitiyaga nito sa pagsasanay na kung minsan ay tumatagal ng walo hanggang 12 oras.

    “Yung ibang swimmer, umaahon na sa pool, pero siya, tuloy pa rin,” ani ng matandang Lacuna patungkol sa anak.

    Sa edad na limang taon, isinali ang batang Lacuna sa isang panglalawigang paligsahan sa paglangoy kung saan ay tinalo niya ang mas malalaki at matandang katunggali.

    Ngunit wala siyang medalyang natanggap, kaya’t siya ay napaiyak.

    Ipinaliwanag naman ng kanyang tagapagsanay na masyado siyang bata at hindi opisyal na kalahok kaya hindi siya binigyan ng medalya.

    Sa edad na anim na taon, nagsimulang lumahok sa mga paligsahan sa paglangoy si Lacuna at nagsimula ring maghakot ng mga medalya at parangal.

    Ilan sa mga natatanging medalya at parangal na kanyang natanggap ay ang medalyang pilak na kaniyang nakamit sa 4×200  meters freestyle sa 2009 Laos SEA Games; at ang pagwawagi sa Florida State Age Championship noong nakaraang taon sa Estados Unidos.

    Sa isinagawang Philippine Olymppic Festival sa Ilocos Sur noong 2006, si Lacuna ang tinanghal na most bemedalled athlete matapos siyang mag-uwi ng walong medalyang ginto.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here