Cyber storm mananalasa laban sa impunity

    366
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY—Patapos na ang typhoon season, ngunit isang bagyo ang namumuo at inaasahang mananalasa sa internet.

    Ito ay dahil sa paglulunsad ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ng isang kampanya sa internet laban sa culture of impunity sa bansa.

    Tinatayang walang masasalanta sa nasabing online storm, sa halip, inaasahan na matatawag nito ang pansin ni Pangulong Benigno Aquino III upang tugunan ang insidente ng pamamaslang sa mga mamamahayag, partikular na sa mga naging biktima sa Maguindanao magda-dalawang taon na ang nakakaraan.

    Ayon kay Hector Bryant Macale, isa sa mga online campaign coordinator ng CMFR, ang kampanya ay isang pagkilala sa lumalawak na potensyal ng internet na tinatawag ding new media.

    “We realized the huge potential of the new media to spread awareness on the advocacy against impunity and involve every online users,” aniya sa isang panayam sa telepono.

    Ipinaliwanag ni Macale na ang mga impormasyong inilalathala sa internet partikular na sa mga social networking sites tulad ng Facebook.com at Twitter.com  ay napakabilis kumalat.

    “It has all the possibilities of becoming an online storm and we hope that authorities will take notice on this outcry,” aniya.

    Para sa kampanya, sinunod ng CMFR ang payo ng social media expert at blogger na si Tonyo Cruz  sa pagbuo ng pamamaraan upang mapalawak ang kampanya sa pagsasagawa ng International Day to End Impunity (IDEI) sa Nobyembre 23.

    Kabilang sa kampanya ay ang paggamit ng mga slogan, at hashtags sa Facebook atTwitter;  at pagsasagawa ng Blog Action Day sa Nobyembre 21.

    Ang mga slogan na ipinanukalang gamitin ay:  ”Pangulong Aquino: Ilan pang mamamahayag ang kailangang mapatay? Kilos na!” at “Pangulong Aquino: Hustisya para sa (aking tatay, nanay, kapatid/kaibigan)”.

    Ayon kay Macale, ang mga nasabing slogan ay naglalayong ipaalala kay Aquino ang kanyang pangako sa kampanya sa halalan noong nakaraang taon na tutugunan ang mga insidente ng pamamaslang sa mga mamamahayag at mga aktibista.

    Batay sa tala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), umabot na sa 146 na mamamahayag sa bansa ang pinaslang mula noong 1986 kung kailan nagbalik ang demokraysa matapos mahigit isang dekada ng batas militar.

    Sa nasabing bilang, sinabi ng NUJP na 104 mamamahayag ang pinaslang sa panahon ng siyam na taong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo; samantalang lima na ang pinaslang simula nang manungkulan si Aquino noong nakaraang taon.

    “Majority of the killing did not occur under the Aquino administration, but it continues and might increase if not properly addressed,” ani Macale.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here