LUNGSOD NG MALOLOS – Hinangaan ng mga mamamahayag partikular na ng mga opisyal ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang mga isinumiteng short video project ng mga mag-aaral ng pamamahayag sa Bulacan State University (BulSU).
Ang mga nasabing proyekto na may temang “End Impunity, Defend Press Freedom” ay isinumite ng mga mag-aaral na sumailalim sa isang semestre ng pag-aaral sa kursong “Special Problems in Journalism.”
Bukod sa proyekto sa nasabing kurso na pinadaloy ng mamamahayag na ito, ang mga nasabing produksyon ay magiging bahagi rin ng pandaigdigang kampanya na tinaguriang International Day to End Impunity (IDEI) na isasagawa sa Nobyembre 23 o ang ikalawang taong paggunita sa Maguindanao Massacre.
“Ang gaganda ng production ng mga estudyante,” ani Nonoy Espina, isa sa mga opisyal ng NUJP-National Directorate, at isa rin sa mga patnugot ng website na Interaksyon.tv ng TV5, ang isa sa mga pangunahing himpilan ng telebisyon sa bansa.
Ang paghanga ni Espina sa mga proyekto ng mga mag-aaral ng pamamahayag mula sa BulSU ay nagsimula noong Oktubre 22 matapos na ipost ng mamamahayag na ito sa Facebook.com ang ilan sa mga nasabing proyekto.
“Ang galing nito,” ani Espina matapos mapanood ang mahigit isang minutong produksyon ni Misty Angelica Mendoza, isa sa mga mag-aaral ng pamamahayag sa BulSU, na may titulong “Buhay Manunulat.”
Ang ”Buhay Manunulat” ay tinampukan ang pagpapakita ni Mendoza ng mga larawang iginuhit sa white board at kinunan ng video, pagkatapos ay sinabayan niya ng pagkukuwento ng buhay ng isang mamamahayag.
Bukod kay Espina, marami din ang nagpahayag ng paghanga sa produksyon ni Mendoza ng sila ay maglagay ng komento sa Facebook.com.
Hindi naman natapos ang paghanga ni Espina sa pagkokomento sa produksyon ni Mendoza, sa halip ay nagtungo siya sa BulSU noong Biyernes, Oktubre 28 para sa isang panayam.
“Inisip ko lang kung paano ko ilalarawan ang buhay ng isang manunulat,” ani Mendoza at binigyang diin na iyon ay bahagi din ng pagpapahayag niya ng kanyang saloobin.
Maging ang mga guro sa College of Arts and Letters (CAL) ng BulSU ay kinapanayam din ni Espina na humanga sa subject na “Special Problems in Journalism.”
“Kayo lang yata ang may subject na ganyan,” sa University of the Philippines ay wala,” ani Espina kina Dr. Bonifacio Cunanan, ang assistant dean ng CAL; at Yolanda Villavicencio, isa sa mga guro sa CAL na bumuo ng kurikulum para sa Bachelor of Arts in Journalism.
Ipinaliwanag ni Dr. Cunanan na layunin ng BulSU na mabigyan ng sapat na paghahanda ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbubukas ng makahulugang kurso.
Inayunan naman ito ni Villavicencio na nagsabing higit na makabuluhan ang isang kurso kung may sapat na kakayahan at karanasan ang gurong magtuturo nito.
Maging ang mga mag-aaral partikular na ang bumubuo ng klaseng nasa ika-apat na taon ng pag-aaral ng Bachelor of Arts in Journalism ay kinapanayam ni Espina.
Isa sa kanyang mga naging tanong ay kung magpapatuloy ba ang mga ito sa pagiging mamamahayag sa kabila ng mga banta sa buhay ng mga mamamahayag.
Ang nasabing katanungan ay sabay-sabay na tinugon ng klase ng “yes!”
Ang video interview ni Espina sa mga guro at mag-aaral ng BulSU ay nakatakdang ilabas sa website ng Interaksyon.tv sa darating na Nobyembre 23 kaugnay ng paggunita sa ikalawang taon ng Maguindanao Massacre at pagsasagawa ng kauna-unahang International Day to End Impunity (IDEI).
Ang IDEI ay inorganisa ng International Freedom of Express eXchange (IFEX) na nakabase sa Toronto, Canada.