Mas mababa ang kaso ng Lepto ngayon kumpara noong 2009

    416
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Higit na mas mababa ang bilang ng kaso ng leptospirosis na naitala sa Bulacan matapos ang pagbahang hatid ng mga bagyong Pedring at Quiel kumpara noong 2009 matapos manalasa ang bagyong Ondoy.

    Binigyang diin naman ng Provincial Public Health Office na ang mababang kaso ng nakamamatay na sakit na nagmumula sa ihi ng daga ay dahil sa maagap na pamamahagi nila ng gamot, at hindi dahil sa matagumpay na kampanya sa pagtugis sa mga daga sa lalawigan noong Mayo at Hunyo.

    Batay sa tala ng PPHO, umabot lamang ng 25 ang hinihinalang kaso ng leptospirosis ang naitala sa lalawigan matapos magsimulang bumaha noong Setyembre 27 kaugnay ng pananalasa ng bagyong Pedring.

    Ito ay higit na mas mababa sa 83 katulad na kaso na naitala noong 2009 matapos manalasa ang bagyong Ondoy na nagpalubog sa mga bayan ng Sta. Maria, Bocaue, Marilao, Obando, Balagtas at Lungsod ng Meycauayan.

    Higit ding mas mababa ang naitalang bilang ng namatay sa nasabing sakit sa taong ito kumpara noong 2009.

    Ayon kay Dr. Joycelyn Gomez, hepe ng PPHO, umabot lamang sa lima ang naitalang kaso ng namatay sa leptospirosis ngayong taong ito, kumapara sa may 20 kaso noong 2009.

    “Mas grabe noong 2009 after Ondoy, kasi marami ang kinailangang i-dialysis noon para lang makasurvive sa leptospirosis,” ani Gomez.

    Ipinaliwanag niya na isa sa mga dahilan sa mababang kaso ng kinatatakutang sakit ay ang maagang pagbibigay ng kapitolyo ng mga anti-biotic o prophylaxis medicine sa mga residente ng bayang binaha.

    Ayon kay Gomez, umabot sa mahigit 1,200 katao ang nabigyan nila ng antibiotics laban sa leptospirosis at iba pang sakit.

    Una rito nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibilidad ng outbreak ng leptospirosis sa mga bayang binaha.

    Pinayuhan ng DOH ang mga residente na mag-ingat sa paglusong sa baha at magtapak sa mga putik na posibleng kontaminado ng ihi ng daga na pinagmumulan ng leptospirosis.

    Ayon kay Dr. Eric Tayag, undersecretary ng Department of Health, mas higit na mapanganib ang leptospirosis sa mga may sugat sa paa na lumulusong sa baha sapagkat mas mabilis na pumasok ang mikrobyo dito.

    Ang babala ng DOH ay batay na rin sa kanilang karanasan noong 2009 matapos manalasa ang bagyong Ondoy at palubugin ang kalakhang Maynila at ilang bahagi ng Bulacan.

    Ayon kay Tayag, umabot sa mahigit 25 posyento ng mahigit 300 kataong nasawi sa nasabing bagyo noong 2009 ang namatay dahil sa leptospirosis.

    Kaugnay nito, nilinaw ng PPHO na posibleng nakatulong sa mababang bilang ng kaso ng leptospirosis sa lalawigan ang kampanyang pagtugis sa mga daga sa lalawigan noong Mayo at Hunyo.

    Gayunpaman, sinabi ni Gomez na kahit umabot sa mahigit 100,000 daga ang napatay sa ibat-ibang bayan sa lalawigan, mas malaki pa rin ang posibilidad na mas naging epektibo ang pamamahagi nila ng anti-biotics.

    Binigyang diin niya na ang mga dagang napatay sa kampanya noong Mayo at Hunyo ay nagmula sa mga bukid.

    Ito ay nangangahulugan na malilinis ang mga nasabing daga at hindi carrier ng leptospirosis.

    “Kung may leptospirosis ang daga sa bukid, noon pang Hunyo ay marami ng nagkasakit ng leptospirosis sa Bulacan dahil kinakain ng mga magsasaka yung karne ng daga.

    Ipinaalala pa niya na ang leptospirosis ay nagmumula sa mga lugar na marurumi katulad ng mga basurahan. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here