HAGONOY, Bulacan – Upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan, ari-arian at imprastraktura sa GitnangLuzon, dapat madaliin ng pamahalaan ang konstruksyon ng Bulacan Floodway project na dati ay tinatawag na Pampanga Delta Development Project Phase II (PDDP-II).
Ito ang payo ng 90-anyos na dating gobernardor ng Bulacan na si Tomas Martin na nakatira sa bayang ito na kamakailan lamang ay pinalubog ng pinakamalalim na baha sa kasaysayan nito.
Ang payo ni Martin ay nagsilbing suporta sa mas naunang kahilingan ng Regional Development Council (RDC) ng Gitnang Luzon at ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Gob. Wilhelmino Alvarado kay Pangulong Benigno Aquino III.
Matatandaan na noong Oktubre 5 ay nagsagawa ng isang biglaang pulong and RDC sa Malolos, Bulacan kung saan ay naging panauhin ang Pangulo.
“Yung Delta Project na lang ang pag-asa natin laban sa baha,” ani Martin patungkol sa PDDP-II na sa unang plano ay magpapaluwang ng kailugan sa Calumpit, Paombong at sa bayang ito.
Sa pagpapaluwang ng kailugan, layunin ng PDDP-II na mapataas ang waterholding capacity ng Labangan Channel upang mapabilis ang paghupa ng baha patungo sa Manila Bay.
Ayon kay Inhinyero Jose Gabriel ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang PDDP-II ay magsisilbing “expressway” ng tubig baha.
Ang PDDP-II ay kasudlong ng PDDP-I na matatagpuan sa mga bayan ng Masantol, Macabebe at Apalit sa lalawigan ng Pampanga na nakumpleto noong unang bahagi ng dekada 90.
Ngunit hindi natuloy ang PDDP-II dahil sa pagtutol ng mga residente ng Pampanga at Bulacan.
Gayunpaman, patuloy na kinukunsidera ng DPWH ang nasabing proyekto bilang tugon laban sa pagbaha sa mga bayan ng Hagonoy, Calumpit at Paombong.
Dahil dito, nagpanukala ang DPWH sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ng bagong disenyo para sa proyekto gamit ang makabagong teknolohiya.
Ayon sa DPWH, sa halip na paluwangin ang kailugan particular na ang Labangan Channel, ito ay palalalimin na lamang at magtatayo ng mga konkretong dike sa magkabilang pampang sa halip na earth dike o dikeng yari sa itinambak na lupa.
Ang panukalang ito ay pinapaboran ng mga opisyal sa lalawigan katulad nina Gob. Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando at mga alkalde na sina Angel Cruz ng Hagonoy, James De Jesus ng Calumpit, at Donato Marcos ng Paombong.
Ito ay dahil sa hindi mangangailangan ng relokasyon o paglilipat ng maraming pamilyang nakatira sa gilid ng ilog.
Batay sa unang plano ng DPWH, ang Labangan Channel ay paluluwangin hanggang isang kilometro.
Ngunit ito nangangahulugan ng pagkabura sa mapa ng 13 barangay sa Calumpit at tig- isa sa Hagonoy at Paombong.
Balak ng DPWH na panatilihin sa kasalukuyang luwang ang Labangan Channel at lagyan ito ng mataas at konkretong dike sa magkabilang pampang.
Bukod, dito,plano rin ng DPWH ang pagpapalalim sa nasabing ilog.