OBANDO, Bulacan—Pinsala, benepisyo o solusyon sa napipintong krisis sa basura?
Ito ang magkakataliwas ang pananaw ng mga namumuno at mamamayan ng bayang ito, at ng pamunuan ng EcoShield Development Corporation (EDC), ang kumpanyang nasa likod ng itinatayong Bulacan Sanitary Landfill sa 44.4 na ektaryang dating palaisdaan sa islang barangay ng Salambao sa bayang ito sa baybayin ng look ng Maynila.
Para sa mga namumuno sa bayang ito sa pangunguna ni Mayor Orencio Gabriel, ang Bulacan landfill ay isang oportunidad para sa kaunlaran ng bayan na minsan lamang kumatok.
Batay sa mga tala sa isinagawang pagdinig para sa reklasipikasyon o muling pag-uuri ng gamit ng lupang dating palaisdaan at asinan sa Barangay Salambao, sinabi ni Gabriel madadagdagan ang lupain (land area) ng Obando at tataas ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng Obando.
Batay sa kanyang pagtaya, sinabi ni Gabriel na hindi bababa sa P1-milyon ang kikitain ng munisipyo bawat buwan.
“Napakagandang pagkakataon, isang malaking kumpanya na di natin dapat ignore-in,” ani Gabriel sa mga dumalo sa isinagawang pulong noong Pebrero 14.
Para naman sa EDC na kinatawan ni Arkitekto Rafael Tecson, solusyon sa basura ng kalakhang Maynila (karatig na lalawigan ng Bulacan at Obando) ang kanilang inihahain.
Ito ay dahil sa patuloy na dumarami ang basurang itinatapon bawat araw ng mga mamamayan sa nasabing mga lugar.
Batay sa pag-aaral ng National Solid Waste Commission, ang bawat mamamayan ay nagtatapon ng kalahating kilo ng basura bawat araw.
Gayunpaman, sa kabila ng magandang intensyon ng EDC para sa mga basura ng kalakhang Maynila at iba pang karatig na lalawigan ng Bulacan, inamin ni Tecson sa isang pagdinig na walang karanasan sa pagtatayo at pamamahala sa sanitary landfill ang EDC bilang isang kumpanya.
Dahil dito, may pangamba ang mga residente ng Obando partikular na ang mga kasapi ng Concerned Citizen of Obando na nagsusulong ng “No to Landfill Movement.”
Kabilang dito ay ang posibilidad na makaapekto sa katubigan ng look ng Maynila ang leachate o katas ng basurang maiipon sa Bulacan landfill.
Batay sa mga dokumentong naipon ng Punto, ang Bulacan landfill ay itatayo sa 44.4 ektaryang dating palaisdaan at asinan sa islang barangay ng Salambao sa bayang ito.
Kung titingnan sa mapa ng Barangay Salambao, ang lupang ookupahin ng Bulacan landfill ay mistulang malaking letrang “J.”
Masasakop nito ang panulukan sa bukana ng Ilog Paliwas sa Look ng Maynila hanggang sa dulo ng barangay hanggang ng Navotas at Obando na nakaharap sa look ng Maynila.
Ang malaking bahagi nito ay nakabalatay sa timog na bahagi ng Barangay Salambao sa hangganan ng Obando at Navotas.
Batay sa paunang plano ng EDC, ang gitnang bahagi ng 44.4 na ektaryang landfill na nakaharap sa Look ng Maynila ay gagamitin bilang soil stockpile area at sa silangan nito ay ang Material Recovery Facility.
Ang dulong bahagi nito sa gawing hilaga sa may panulukan ng Ilog Paliwas at Look ng Maynila ay gagamitin bilang leachate treatment area.
Isa pang leachate treatment area ang itatayo sa dulong silangan ng 44.4 na ektaryang landfill na nakabalatay sa hangganan ng Obando at Navotas.