HAGONOY, Bulacan – Alin ang may hatid na higit na panganib, ang plantang nukleyar o mga dam na ginagamit sa paglikha ng kuryente?
Ang sagot mga eksperto: “Ang mga dam.”
Ito ay ang tuwirang pahayag ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang dam safety engineer na Bulakenyo na nakabase sa Estados Unidos.
Ang pahayag ni Dela Cruz ay batay sa mga pinagkumparang tala ng pinsala ng mga nasirang dam at plantang nukleyar sa ibayong dagat mula pa noong dekada 70.
Batay sa mga talang naipon ni Dela Cruz, higit na mapaminsala ang kalamidad ng nasirang dam kumpara sa nasirang plantang nukleyar dahil sa higit na mas maraming tao ang nasawi sa trahedyang hatid ng pagkasira ng dam.
Ipinaliwanag niya na ang mga hydroelectric dam ay inilalarawan sa International Humanitarian Law bilang “installations containing dangerous forces” dahil sa posibilidad ng malawakang pinsalang ihahatid nito sa mga mamamayan at kalikasan kung sakaling masira.
Gayunpaman, sinabi niya na madalang ang mga pagkakataon na may nasisirang dam, ngunit kapag ito ay nasira, malawakang pinsala ang hatid.
Isang halimbawa ay ang pagkasira ng Bangiao at Shimantan dam sa Tsina noong 1975 na tinagurian bilang “August 1975 disaster.”
Ang nasabing insidente ay naging dahilan ng madaliang pagkalunod ng mahigit sa 26,000 katao ayon sa ulat ng pamahalaang Tsino.
Bukod dito, sinasabing umabot sa 200,000 katao pa ang nasawi ilang araw matapos ang insidente.
Sa lalawigan ng Bulacan, tinatayang higit sa 100 katao ang nasawi noong 1978 matapos magpatapon bg tubig ang Angat Dam sa kalagitaan ng pananalasa ng bagyo.
Ayon sa mga opisyal ng National Power Corporation (Napocor), hindi sinasadya ang nasabing insidente.
Binigyang diin nila na dapat ay maliit lamang ang bukas ng floodgates ng dam, ngunit napalaki ito at bumulwak ang higit na mas maraming tubig kaysa sa inaasahan. Ito ay naging sanhi ng pagkalunod ng maraming Bulakenyong nooy natutulog sa kanilang mga tahanan sa gilid ng kahabaan ng Ilog Angat.
Sinabi pa ng mga opisyal ng Napocor na ang pagbulwak ng rumaragasang tubig mula sa dam ay nagpatuloy ng ilang araw dahil sa hindi nila maisara ang floodgate ng dam hanggat hindi bumababa ang tubig sa loob ng dam.
Bilang patunay naman na higit na mas marami ang nasasawi sa pagkasira ng dam, binanggit ni Dela Cruz ang mga insidente ng pagkasira ng mga plantang nukleyar.
Kabilang dito ang insidente sa Three Mile Island sa Amerika kung saan ay walang iniulat na namatay.
Isa pang insidente ay ang pagkasira ng Chernobyl Nuclear Power Plant sa Ukraine noong dekada 80.
Batay sa tala na naipon ni Dela Cruz, iilan din lamang ang nasawi matapos ang insidente sa Chernobyl, at ang inaasahang magiging biktima ng kanser ilang taon matapos ang insidente ay higit na mas mababa kaysa inaasahan.