Negosyanteng Bulakenyo suportado ang konstruksyon ng coastal road

    329
    0
    SHARE

    GUIGUINTO, Bulacan – Kinatigan ng mga negosyanteng Bulakenyo ang muling pagbuhay sa inabandonang Manila Bay Coastal Project sa paniniwalang ito ang susi sa pagkakaroon ng economic zone at higit na kaunlaran sa lalawigan.

    Bukod dito, inaasahan din na ang nasabing proyekto ang makalulutas sa palagiang paglubog sa high tide ng mga pamayanan sa baybayin ng Look ng Maynila mula sa kalakhang Maynila hanggang Bulacan, Pampanga at Bataan.

    “Dalawang malaking infrastructure projects lang ang kailangan natin sa Bulacan para lalong umunlad ang lalawigan,” ani Ambrosio Cruz, ang dating alklade ng bayang ito at may ari ng Archer Development Corporation.

    Ang tinutukoy niya ay ang muling pagbuhay sa inabandonang Manila Bay Coastal Road project; at ang ikalawa ay ang panukalang konstruksyon ng isang kalsadang mag-uugnay sa coastal road at sa Bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad sa silangang bahagi ng lalawigan.

    Bilang dating pangulo ng liga ng mga Alkalde sa Lalawigan at dating kasapi ng Central Luzon Regional Development Council (RDC), sinabi ni Cruz na ang dalawang proyekto ay una niyang ipinanukala mahigit anim na taon na ang nakakaraan.

    Ayon kay Cruz, ang dalawang proyekto ay mga paunang hakbang lamang sa pagtatayo ng economic zone sa lalawigan.

    “For the economic zone, we only need to consolidate 50 to 100 hectares of lands where businesses will locate; and the coastal area of Bulacan is a good place to establish that,” aniya.

    Inayunan din ito ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) na nagsabing maraming industrial estates sa lalawigan, ngunit magkakahiwalay.

    “At the moment, there are a number of industrial estates in the province, but they are operating independently,” ani Nani Mallari, ang executive director ng BCCI.

    Sinabi ni Mallari na malaki rin ang naitulong ng mga industrial estates sa lalawigan, ngunit higit na makakatulong sa kaunlaran ang economic zone dahil sa mas marami ang malilikhang trabaho nito.

    Ito ay dahil sa inaasahang mas maraming negosyante ang papasok sa economic zone dahil sa ang mga namumuhunan sa mga economic zones ay may pribilehiyo sa pagbabayad ng buwis.

    Una rito, ipinahayag ni Gob. Wilhelmino Alvarado na dapat ng buhayin ang inabandonang Manila Bay Coastal road Project.

    Ito ay dahil sa inaasahang makatutugon sa problema ng mga bayan ng Obando, Bulakan, Marilao, Paombong, Hagonoy at mga lungsod ng Malolos at Meycauayan na palagiang lumulubog dahil sa high tide o pagtaas ng tubig mula sa dagat.

    Ayon pa kay Alvarado, kapag natuloy ang coastal road, mapapaikli ang biyahe sa pagitan ng Cavite, Maynila, Bulacan, Pampanga at Bataan.

    Bukod dito, mas mapapabilis ang kaunlaran sa mga pamayanan sa baybaying dagat.

    Inihalimbawa niya ang istratehiyang ginawa ng Tsina kung saan ang mga inunang pinaunlad ay ang mga pamayanan sa tabing dagat.

    “Its like hitting three birds in one stone, because it will not just open business opportunities, but will also help us mitigate impacts of climate change to coastal communities along Manila Bay,” ani Alvarado.

    Ang nasabing coastal road project ay bahagi ng 25 planning pangkaunlaran ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

    Sinabi ni Alvarado na batay sa nasabing plano, ang mga lalawigan ng Cavite at Bataan ay pag-uugnayin sa pamamagitan ng konstruksyon ng coastal road na dadaan sa baybayin ng Bulacan at Pampanga.

    Ngunit sa pagdaan ng panahon, inabandona at nakalimutan ang nasabing proyekto.

    “It must be resurrected because part of it has been completed,” ani Alvarado patungkol sa bahagi ng proyekto na  ngayon ay tinatawag na Cavite-Paranaque coastal road.

    Kaugnay nito, sinabi ni dating Gob. Roberto Pagdanganan na ang konstruksyon ng coastal road ay maghahatid ng dagdag na produksyon sa lalawigan.

    Ito ay dahil sa mga bahagi ng lalawigan sa baybayin ng look ng Maynila ay higit na magiging produktibo.

    Ito ay dahil sa makalilikha ng malawak na lawa sa pagitan ng coastal road at baybayin ng lalawigan.

    Bukod dito, maaaring makalikha ng mga industrial area sa nasabing coastal road.

    Ayon pa kay Pagdanganan, maging ang pagkakasakit ng mga tao ay maiiwasan kapag naitayo ang proyekto.

    Binigyang diin niya na may mga residente na ang bayan ng Hagonoy ang nagkakasakit dahil sa palagiang paglubog sa high tide.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here