LUNGSOD NG MALOLOS – Tiniyak ni Gob. Wilhelmino Alvarado na walang batas ang nilabag sa konstruksyon ng planong Bulacan Sanitary Landfill sa islang barangay ng Salambao sa bayan ng Obando.
Nagpahayag din siya ng pagtataka kung bakit tinututulan ang planong landfill samantalang tahimik ang mga residente ng Obando sa operasyon ng di kalayuang Navotas dumpsite.
Ayon pa sa gobernador, hindi rin magiging ekstensyong maisusudlong ang Bulacan Landfill sa Navotas dumpsite dahil may sapa sa pagitan nito.
“They are barking up the wrong tree,” ani Alvarado hinggil sa mga residente ng bayan ng Obando na tumututol sa konstruksyon ng Bulacan Landfill.
Ipinaliwanag niya na ang pagtatayo ng landfill ay itinatakda ng batas na Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
“Kung tutol sila sa landfill, dapat baguhin ang batas,” ani ng gobernador.
Hinggil sa pangamba ng mga residente sa posibilidad na tumagas ang katas ng basura at sa pagiging malapit nito sa katubigan, sinabi ni Alvarado na lalatagan ng makapal na plastic liner ang nasabing landfill.
Bukod pa dito ay babakuran ng mahigit 50 metro ang layo sa tubig.
“Halos 50 ektarya yung sanitary landfill sa Obando, kaya tiyak na babakuran iyon ng mahigit 50 metro ang layo sa tubig,” aniya.
Kaugnay nito, ipinagtaka rin niya kung bakit tinututulan ng mga residente ang Bulacan Sanitary Landfill samantalang hindi tinututulan ang operasyon ng katabing Navotas dumpsite.
Binanggit din ng gobernador ang naunang pahayag ng ilang residente ng Obando na may mga paglabag sa batas ang operasyon ng Navotas dumpsite.
Kabilang dito ay ang pagtatambak doon ng halo-halong basura.
Ayon sa mga residente, kung minsan ay may mga basurang galing sa mga ospital na itinatambak sa Navotas dumpsite.
Kaugnay nito, binigyang diin ng gobernador na isang sanitary landfill ang itatayo sa Obando at hindi dumpsite.
Para sa gobernador, ang sanitary landfill ay tugon sa napipintong krisis sa basura.
Iginiit niya na patuloy ang pamahalaang panglalawigan sa kampanya sa kalinisan at sa rehabilitasyon ng Marilao-Meycauayan-Obando River.
“Malaki ang problema natin sa Marilao-Meycauayan-Obando River dahil may mga heavy metals na naipon sa putik sa ilalim ng ilog,” ani Alvarado.
Sinabi niya na bilang bahagi ng rehabilitasyon, kailangang hukayin ang putik at iaahon sa ilog.
“Pag-naiahon na natin ang putik na may heavy metals, saan natin dadalhin iyon kundi sa sanitary landfill. Hindi naman pwede na itambak lang iyon sa gilid ng ilog dahil babalik din sa ilog. Hindi rin pwede sa mga bakuran kasi may potensyal na makalason yung heavy metals,” aniya.
Dahil dito, hiniling niya na unawain ng mga mamamayan ang kasalukuyang problema at mga posibleng solusyon.