LUNGSOD NG MALOLOS – Aabot sa 500 negosyante mula sa Bulacan hanggang Aparri ang magtitipon sa lalawigan sa pagsasagawa ng ika-20 North Luzon Area Business Conference (NLABC) sa Agosto 11-12.
Ang taunang kumperensiya na may temang “Accelerating Economic Progress of North Luzon through Public Private Partnership” ay isasagawa sa St. Agatha Resort and Country Club sa Barangay Tikay ng lungsod na ito na tatampukan ng trade fair na magsisimula sa Agosto 11 hanggang 13.
Kabilang naman sa mga panauhing magsasalita ay sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. na nagmula sa bayan ng Pulilan, Trade Undersecretary Cristino Panlilio ng Pampanga, Bases Conversion Development Authority (BCDA) President Felicito Payumo ng Bataan at Sandy Javier ng Andok’s Corporation.
Ayon kay Antonio Tengco, patnugot ng kumperensiya, umaasa sila na aabot sa 500 negosyante mula sa 20 business chamber at mga local business councils ang dadalo, bukod pa sa mga mag-aaral ng Business Administration.
“This is the third time that Bulacan is hosting the NLABC and we are moving every stone to do better,” ani Tengco.
Para naman kay Mara Bautista, ang dating patnugot tagapagpaganap ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) kasalukuyan nilang iniipon ang mga kahilingan ng mga negosyante mula Bulacan hanggang Aparri upang ito ay mailatag kay Ochoa.
Nilinaw niya na ang taunang NLABC ay hindi isang social event, sa halip ito ang nagsisilbing tinig ng mga negosyante.
“NLABC is an opportunity for business stakeholders to tell government what they need in the area,” aniya.
Ayon kay Bautista, ang bawat pagsasagawa ng NLABC ay nasusukat sa mga resolusyong isinusumite bilang petisyon sa gobyerno.
“We are not putting together concerns raised by different chambers and councils,” aniya.
Ilan sa mga isinatinig na kahilingan ng mga negosyante mula Bulacan hanggang Aparri ay nakatukoy sa pagpapaunlad sa mga paliparan ng eroplano, update sa North Rail Project, pagtatayo ng mga industrial park at mga economic zones, pagpapaunlad sa serbisyo ng telepono at kuryente, polisiya ng gobyerno sa buwis, mga ayuda ng gobyerno sa kasalukuyang teknolohiya, pagbebenta ng kalakal, pasweldo, benepisyo ng mga manggagawa, at maging sa katahimikan at kapayapaan.
Sa mga nagdaang pagsasagawa ng NLABC, ito ay nagsilbing entablado para ihayag ng mga negosyante sa kanialng kahilingan.
Kabilang dito ang kanilang pagsusulong noon para sa proyektong NorthRail at Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEX).
Ang SCTEX ay natapos at nagagamit, subalit ang NorthRail Project ay nananatiling isang pangarap, ani ng ilang negosyante.