ANGAT, Bulacan – Muling nagsama para sa isang gawaing maka-kalikasan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ang San Miguel Brewery Inc., (SMB) sa pagtatanim ng mga kawayan bilang hakbang sa pangangalaga ng kalikasan kamakalawa.
Layunin ng nasabing gawain na makapagbigay ng kaalaman hinggil sa mga napapanahong isyu sa kalikasan at kung paano ito matutugunan.
Halos 1,000 katao mula sa lokal na pamahalaan at mga opisyal mula sa SMB at mga pamahalaang lokal ang nakiisa sa nasabing aktibidad at nagtanim ng mahigit 5,000 bamboo cultivars at iba pang punong kahoy.
Layunin ng proyekto na itaas ang kamalayan ng mga tao sa mga isyung nakaaapekto sa kanilang buhay tulad ng epekto ng pagbabago ng klima o climate change at ang mga hakbang upang ang epekto nito ay ating mabawasan.
“Through such efforts, little by little, we hope to be able to change the mindset of the people as regards to the environment, so it’s an initial step towards that objective,” ani Rustico De Belen, hepe ng (Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO).
Binigyang diin ni de Belen na ang isyu ng kalikasan ay tungkulin ng lahat, kaya naman ang lahat ay marapat lamang na makiisa sa pangangalaga nito upang sa huli ay mabawasan ang nakagigimbal na epekto ng pabago-bagong panahon.
Ang nasabing gawain ay isang paraan upang ipakita ng SMB ang kanilang pagsusumikap na proteksyunan at pangalagaan ang kalikasan.