LUNGSOD NG MALOLOS – Isang walong taong gulang na Bulakenyo ang napabilang sa mga kakatawan sa bansa sa World Youth Chess Championship na isasagawa sa Brazil sa Nobyembre.
Siya ay si Dennis Gutierrez III, na ngayon ay nasa ikalawang baitang ng pag-aaral sa Probex School sa lungsod na ito.
Si Dennis ay kasapi ng 36-kataong koponan ng bansa na lumahok sa 12th Southeast Asian Age Group Chess Championships na isinagawa sa Tarakan, East Kalimantan Indonesia noong Hunyo 12.
Ang nasabing koponan ay nag-uwi ng 23 medalya, kabilang ang walong ginto na ang isa ay napanalunan ni Dennis ng tanghalin siyang kampiyon sa blitz open 8 individual category.
Bukod dito, nag-uwi rin si Dennis ng tansong medalya sa standard open 8 individual category; at pilak para sa blitz team open 8 category.
Dahil sa kanyang pagwawagi, si Dennis ay naghahanda na para sa World Youth Chess Championships na isasagawa sa Brazil sa Nobyembre; samantalang pinagkalooban siya ng pagkilala ng pamahalaang panlalawigan nitong Lunes.
“He is now practicing in preparation for the World Championships,” ani ng kanyang ina na si Leah.
Ikinuwento pa ni Leah na ang nagbibigay ng pagsasanay sa kanyang anak bilang paghahanda sa paligsahan sa Nobyembre ay sina Grand Master Jayson Gonzales at International Master Rudy Cardozo.
Umaasa ang pamilya ni Dennis na magiging mabunga ang kanyang paglahok sa pandaigdigang tunggalian sa ahedres na isasagawa sa Brazil.
Si Dennis ay bunso sa apat na supling nina Leah at Dennis Gutierrez na isa ring National Master sa chess at empleyado ng National Grid Corporation of the Philippines, at nakatira sa MacArthur Subdivision sa lungsod na ito.
Bilang isang pambasang maestaro sa ahedres, tinuruan ni Dennis ang kanyang anak na sina Myka Sofia, 12; Mikaela Bianca, 11; at Dennis Jr., 10; at Dennis III kung paano maglaro nito.
Ang ilan sa kanilang supling ay sinimulang turuan ng ama ng paglalaro ng ahedres sa edad na pitong taon, ngunit si Dennis ay sinimulang turuan sa edad na tatlong taon at anim na buwan.
Dahil sa pagtitiyaga ng ama, nahilig sa paglalaro ng ahedres ang mga anak at karaniwan sa kanila ay nakalahok na sa mga pamabansang tunggalian.
Gayunpaman, sa mga anak ng mag-asawang Gutierrez, tanging si Dennis pa lamang ang makakalahok sa pandaigdigang kumpetisyon.
Sa kabila naman ng pagkahilig ni Dennis III sa paglalaro ng ahedres, hindi rin niya napabayaan ang kanyang pag-aaral.
Sa katunayan, siya ang tinanghal na class valedictorian sa mga grade one sa Propbex School noong nakaraang taon.
Bukod dito, tumanggap din siya ng parangal bilang Best in Mathematics at sa Quiz Bee.
Kaugnay nito, sinabi ni Leah na sa kabila na ang nagturo ng paglalaro ng ahedres kay Dennis ay ang kanyang ama, ang kanya namang iniidolo ay si Eugene Torre, ang kauna-unahang Asyano at Pilipino na nagkamit ng karangalan at titulong Grandmaster.