Mga kumpanyang nagdudulot ng polusyon palalayasin sa Bulacan

    403
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – “Hindi ako mangingimi na palayasin sa Bulacan ang mga kumpanyang naghahatid ng polusyon.

    Ito ang buod na pahayag ng gobernador matapos ipasara ang planta ng Cleveland Envirotech Solutions Inc., (CESI) at ang bodega Cleveland Industries (CI), na kapwa matatagpuan sa Barangay Tungkong Mangga sa lungsod na ito noong Huwebes, Hulyo 7.

    Ang CESI ay isang toxic at hazardous waste treatment plant na binigyan ng akreditasyon ng tanggapan Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon, samantalang ang CI ay nagsisilbi bilang isang sister company nito.

    “I think we should not allow them to do business in Bulacan,” ani Alvarado kay Lormelyn Claudio, ang direktor EMB sa Gitnang Luzon matapos ikandado ang dalawang pasilidad.

    Ayon sa gobernador, ang mga kumpanyang nagdudulot ng polusyon sa Bulacan at lumalason sa kailugan nito ay hindi nakatutulong sa kaunlaran ng lalawigan.

    Ngunit ng tanungin ng Punto kung ang kanyang pahayag ay isa ng opisyal na polisiya ng Bulacan, sinabi ni Alvarado makikipag-ugnayan pa sila sa EMB.

    Ang EMB ay patuloy na nagsusuri sa operasyon ng dalawang kumpanya, ngunit nagbigay na ito ng payo para sa re-mediation o paglilinis sa pasilidad ng dalawang kumpanya.

    Para naman kay Rey San Pedro, ang alkalde ng lungsod na ito, ang pagsuspinde ng EMB sa Environment Compliance Certificate  (ECC) ng CESI at pagbibigay ng cease and desist order (CDO) ay sapat  na upang rebokahin o pawalang bisa ang business permit nito.

    Ngunit sinabi niya na pinag-aaralan pa ng mga City Legal Office ang pagpapawalang bisa sa business permit ng CESI na nagsimula ng operasyon noong 2003.

    Sa panayam kay Claudio, sinabi niya na nakadepende ang kinabukasan ng dalawang kumpanya sa resulta ng pagtugon ng mga ito sa isinasaad ng CDO.

     “We will see if they will comply with the demands we stated in the cease and desist order (CDO),” ani Claudio. Kabilang sa provision ng CDO laban sa CESI ay ang pagsusumite nito ng clean up and re-mediation plan.

    Nilinaw din ng mamamahayag na ito kay Claudio kung ano ang mga posibilidad kung sakaling hindi makasunod ng dalawang kumpanya.

    Tinugon ito ni Claudio na hindi ito ang unang pagkakataon na nagpasara sila ng katulad na toxic waste at hazardous treatment plant sa Bulacan.

    Matatandaan na noong 2002, ipinasara ng EMB ang operasyon ng planta ng Enviro-Means Industry Inc., (EMII) sa Barangay Sipat, Plaridel at ang bodega nito sa Barangay Patubig sa bayan ng Marilao.

    Katulad ng CESI at CI, ang EMII na nagsasagawa ng paglilinis sa mga toxic at hazardous waste ay nasara dahil sa reklamo ng mga residente sa paligid ng planta at bodega nito.

    Ngunit sa kaso ng CESI, sinabi ni Claudio na may matibay silang ebidensya na nagdudulot ito ng polusyon sa mga sapat at kailugan ng lungsod na ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here