Angat river kakabitan ng CCTV

    355
    0
    SHARE

    MALOLOS CITY – Upang maiwasan ang trahedya sanhi ng biglang pagbaha, maglalagay ng mga close circuit television (CCTV) camera sa kahabaan ng mahigit 50 kilometrong Angat river sa Bulacan.

    Ito ay hiniling ng pamahalaang panglalawigan ng Bulacan sa Common Purpose Facilities (CPF) na siyang namamahala sa Ipo Dam sa Norzagaray.

    Ang CPF ay isang kumpanya na binubuo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at dalawang higanteng konsesyunaryo nito, ang Manila Water Corporation Inc., (MWCI) at ang Maynilad Water Service Inc., (Maynilad).

    Ang kahilingan ng Bulacan ay nag-ugat sa kawalang koordinasyon sa pagitan ng CPF at ng National Irrigation Administration (NIA) na namamahala naman sa Bustos dam sa panahon ng pananalasa ng bagyong “Falcon”, kung kailan ay nagpatapon ng tubig sa Angat river ang CPF ng hindi naipabatid sa NIA.

    Dahil dito, umapaw ang tubig sa Bustos dam na naging sanhi naman ng apurahang paglilikas sa mahigit 100 pamilya na nakatira sa gilid ng ilog sa mga bayan ng Bustos at Baliuag.

    Ayon kay Liz Mungcal, hepe ng  Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), ang mga CCTV camera ay makapaghahatid sa kanila ng real time update sa taas ng tubig sa Angat river sa bahagi ng Norzagaray.

    “Initially, we requested at least two CCTV cameras from CPF to be installed under the Matictic Bridge in Norzagaray and General Alejo Santos Bridge that connects Bustos and Baliuag towns,” ani Mungcal.

    Ipinaliwanag niya na ang mga CCTV cameras ay itututok sa mga flood gauge markets sa poste ng tulay. Ang mga impormasyon naman mula sa CCTV ay ihahatid sa pamamagitan ng wireless network sa tanggapan ng PDRRMO sa lungsod na ito.

    Sa mga nagdaang panahon, sinabi ni Mungcal na may mga tao ang CPF na nagmomonitor sa mga flood gauge markers sa mga tulay. Ngunit sa panahon ng pananalasa ng bagyong “Falcon”, hindi nakapaghatid ng impormasyon ang nmga volunteers ng CPF.

    Samantala, sinabi ni Jess Perez ng NIA-Bulacan na kung nakipag-ugnayan lamang sa kanila ang CPF, hindi sana umapaw ang tubig sa Bustos Dam.

    Ito ay dahil na rin sa kalagayan na aabot ng mahigit limang oras ang tubig mula sa Ipo Dam bago makarating sa Bustos Dam.

    Ayon kay Perez, ang nasabing limang oras na flood propagation time ay sapat na upang mabawasan nila ang tubig mula sa Bustos Dam bago dumating ang tubig mula sa Ipo Dam.

    Kaugnay nito, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na lubhang mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa panahon ng kalamidasd upang matiyak na ligtas ang mga tao, ari-arian at mga pananaim.

    “We are not blaming anybody, but we want everybody to be conscious of their responsibilities so that next time, it won’t happen again,” ani Alvarado.

    Sinabi pa niya na nakipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng CPF at umayon naman ang mga ito na magdonate ng mga CCTV camera sa kahabaan ng Angat river. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here