LUNGSOD NG MALOLOS – Habang nalalapit ang pagbubukas ang klase, kinilala ng Department of Education (DepEd) ang konstribusyon at sakripisyo ng mga gurong nagtuturo sa mga katutubong Dumagat sa loob ng mahigit 12 taon.
Sa kasalukuyan, 17 guro na ang nagtuturo sa ibat-ibang pamayanan ng mga katutubo sa kabundukan ng Sierra Madre, ngunit ang kanilang tinatanggap na suweldo ay katulad lamang ng suweldo ng mga nasa kapatagan.
Dahil dito, plano ng DepEd-Bulacan na dagdagan pa ang P1,000 bawat buwan na allowance na tinatanggap ng mga guro sa kabundukan na inilarawan ni Dr. Edna Zerrudo bilang “missionary teachers.”
Si Zerrudo ang kasalukuyang division superintendent ng DepEd sa lalawigan.
“Ang nakakatulad nila ay mga religious missionaries na nagpupunta sa bundok para magbigay ng kalinga sa mga katutubo, pero dahil edukasyon ang hatid nila, maituturing silang missionary teachers,” ani Zerrudo.
Ang tinutukoy niya ay ang 17 guro kung saan ay lima sa mga ito ay kabilang sa unang 10 guro na ipinadala at naging bahagi ng programa ng DepEd para sa pagbibigay ng edukasyon sa mga katutubo sa Sierra Madre.
Ang mga guro ay sina Joel Dela Paz, Nestor Alfonso, Vergel Libunao, Ryan Villegas, Benjie Dalmacio, Giovanni Mallorca, Noel Ferriol, Luschiel Magabilin, Mary Ann Rosales, Erwin Guevarra, Denel Pajotahog, Ronnie Dela Cruz, Arlene Lazaro, George Paca, Juanito Naca, at Gerrywill Santos.
Maliban kay Rosales na nalipat ng paaralang pagtuturuan sa darating na Hunyo, ang bawat guro na nabanggit ay magpapatuloy sa programa ng DepEd na tinaguriang “Alay Karunungan Para sa Kinabukasan: Integrated Indigenous Literacy Program for Dumagat” na sinimulan noong Setyembre 1998.
Ang nasabing programa ay umani ng pambansang parangal noong 2005.
Ayon kay Zerrudo, hindi biro ang sakripisyo na ibinigay ng mga guro sa paghahatid ng edukasyon sa mga katutubo.
Inayunan ito ni Celestino Carpio, ang superbisor ng DepEd para sa non-formal education, sa isang panayam noong Mayo 19.
Sinabi niya na kumpara sa mga gurong nagtuturo sa kapatagan o mga Central Schools, ang mga missionary teachers ng DepEd ay nagtuturo sa mga may 50 hanggang 80 magkakahalong mag-aaral mula una hanggang ika-anim na baitang.
Bukod dito, pinagtiyagaan din ng mga missionary teachers na makisuno sa mga kubo at kapilya na ginawang silid aralan upang makapagturo, lalo na sa mga unang taon ng pagpapatupad sa programa.
Dahil naman sa malalayo ang mga pamayanan ng katutubo sa kabundukan, umaabot ng isa hanggang dalawang linggo na hindi nakakauwi ang mga guro sa kanilang tahanan.
Kapag bumalik sila sa kanilang pinagtuturuang pamayanan, dala na nila ang kanilang mga pangangailangan sa buong panahon ng pananatili doon, tulad ng pagkain, inumin at maging gamot.
“Bayani ang tingin ng iba sa mga guro, pero yung mga missionary teachers namin, sila ang mga unsung heroes,” ani Carpio at nilinaw na kung magkano ang starting salary ng guro sa kapatagaan ay ganoon din ang tinatanggap ng mga nagsasakripisyong missionary teachers.
Dahil dito, pinilit ng DepEd na magbigay ng dagdag na P1,000 buwanang allowance ang mga nasabing guro at nais pa nilang dagdagan.
Kung tutuusin maliit yung kanilang tinatanggap na suweldo, pero tuloy pa rin sila dahil mahal na nila ang mga katutubo,” ani Carpio.
Inayunan naman ito ng mga guro partikular ng lima na kabilang sa unang 10 guro na pinagturo sa mga katutubo noong 1998 na hanggang sa ksalukuyan ay nagtuturo pa rin sa kabundukan.
Ayon sa mga nasabing guro, noong una ay trabaho lamang ang kanilang habol at plano nila ay magpalipat ng destino makalipas ang dalawa o tatlong taon, ngunit hindi sila nagpalipat dahil kapag umalis sila ay posibleng walang makapalit.