Landfill sa Bulacan tinututulan

    444
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS —Tutol ang ibat-ibang grupo, kasama na ang simbahan sa pagtatayo ng naglalakihang sanitary landfill (SLF) sa Bulacan.

    Ito ay dahil sa posibleng hindi lamang basura ng kalakhang Maynila ang itambak sa mga ito, kundi maging ang nakalalasong basura mula sa ibayong dagat.

    Tiniyak naman ni Gob. Wilhelmino Alvarado na walang dapat ipangamba ang mga Bulajkenyo maging ang simbahan dahil sa ipinatutupad nila kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.

    Ayon kay Gian Mariano, education officer ng Center for Environment and Development Studies (CEDS), parang kabuteng nagsulputan sa lalawigan ang mga higanteng SLF sa nagdaang limang taon sa kabila ng pagtutol ng mga mamamayan.

    Kabilang dito ay ang may 100-ektaryang Waste Custodian Management SLF sa bayan ng Norzagaray na isinara matapos bigyan ng category four environmental compliance certificate (ECC) ng  Environmental Management Bureau (EMB) sa Gitnang Luzon.

    Kasunod nito ay ang 40-ektaryang V.G. Puyat SLF sa Barangay Minuyan, Lungsod ng San Jose del Monte; ang 45-ektaryang Salambao SLF sa baybayin ng Obando; at ang 100-ektaryang International Cleanvironment Systems Corp. SLF na matatagpuan sa  Barangay Sapang Bulak sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad.

    Sa isang talakayang isinagawa sa Club Royal Resort sa lungsod na ito noong Biyernes, Mayo 13, sinabi ni Mariano na sa laki ng mga  nasabing SLF, hindi maiiwasang isipin na posibleng tambakan din ito ng basura mula sa ibayong dagat.

    “Hindi imposible na maging mga nakakalasong basura sa abroad ay mapunta din sa mga landfill na yan, lalo pa ngayong nalagdaan na ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA),” ani Mariano na iginiit na kamakailan lamang ay may nasabat sa Port Area na basurang nagmula sa Japan.

    Binanggit din niya ang ipinagmamalaking kasunduang nilagdaan ng VGP Group of Companies sa Land Bank of the Philippines (LBP)  para sa Certified Emission Reductions (CERs) mula sa landfill gas collection ng VGPSLF.

    “Ibig sabihin niyan ay mas maraming basura ang itatambak sa VGP dahil kailangan nilang mas maraming basura para makapag-produce ng methane.  Kung kailangan nila ng mas maraming basura, hindi lang sa Maynila ang ia-accommodate nila, baka pati sa abroad,” ani Mariano.

    Ipinaliwanag niya na sa kasalukuyan, ang VGP ay may kapasidad na tumanggap ng 3,000 toneladang basura bawat araw; samantalang ang nakukulektang basura sa kalakhang Maynila ay hindi pa umaabot sa 50 porsyento ng may 8,000 tonelada ng basura mula sa mga lungsod nito araw-araw.

    “It is true, there is money in garbage and the more garbage, the more money there is, but we have also to think our environment,”aniya.

    Iginiit pa niya na sa konstruksyon pa lamang ng VGP ay marami na itong batas na nilabag.

    Inayunan naman ito ni Abogado Gloen Palubon, ang kalihim ng CEDS, at isa ring director ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Bulacan Chapter.

    Ayon kay Palubon, agad na itinayo ang VGPSLF samantalang ang gamit ng lupang pinatayuan nito ay hindi pa naililipat ng klasipikasyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here