CALUMPIT, Bulacan – Pinangunahan ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang relief operation noong Lunes para sa mga sinalanta ng buhawi sa bayang ito noong Sabado.
Ang pamamahagi ng mga relief goods ay isinagawa sa municipal covered court ng nasabing bayan, ganap na ika-3 ng hapon noong Lunes.
Katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), namahagi ang gobernador ng relief goods na naglalaman ng bigas, noodles, asukal, kape, gatas at banig sa mga apektadong pamilya.
Pinag-aaralan naman ang pagtukoy sa mga kakailanganing materyales sa pagkukumpuni at pagbuong muli ng mga nasalantang kabahayan.
Ang mga materyales para sa mga nasirang bahay ay ipamamahagi sa mga susunod na araw.
Ayon sa gobernador, lubhang mahalaga ang ayuda ng pamahalaang lokal sa mga biktima ng pananalasa ng buhawi noong Sabado.
“Kailangang maipadama natin sa ating mga kalalawigan na handang tumulong ang kanilang pamahalaang panlalawigan sa muling pagbangon,” ani ng gobernador.
Batay sa tala ng PSWDO, 41 kabahayan o katumbas ng 93 pamilya mula sa walong barangay kabilang ang Balungao, Frances, San Miguel, Sapang Bayan, Meysulao, Corazon, Gatbuca at Poblacion ang napinsala ng nasabing buhawi makaraang manalanta ito noong Sabado, ganap na ika-6 ng gabi.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa 500 katao ang direktang naapektuhan ng buhawi kung saan ay nasira ang bahay.
Karaniwan sa mga bahay na nasira ay ang mga dingding at bubong na yari sa mga light materials.
Sa inilabas na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), 37 kabahayan ang partially damaged, samantalang apat naman ang tuluyang nagiba.
Ang mga pamilyang maaari pang matirhan ang bahay ay nanatili sa kanilang mga tahanan at ang mga napinsala naman ng husto ay kasalukuyang nakikituloy sa kani-kanilang mga kamag-anak.
Ayon kay Felicisima L. Mungcal, executive officer ng PDRRMO, dalawa ang naiulat na nasawi dulot ng insidente, ang isa ay kinilalang si Alberto Tolentino, 59, ng Purok 1, San Miguel, Calumpit na inatake sa puso bunsod ng takot at pagkabigla dahil sa malalakas na hanging dala ng buhawi; at isang 13 taong gulang na dalagita na kinilala bilang si Rose Ann Gatdula mula sa Barangay Pungo, Calumpit, na namatay noong Lunes ng umaga dahil sa pagkakakuryente mula sa isang poste ng kuryente
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang pagmo-monitor at pag-iikot ng PDRRMO sa buong lalawigan upang patuloy na bantayan at alamin ang posibleng epekto pa ng bagyong Bebeng.


