Tagumpay ang pagsasanay ng PPI-Luzon sa Baguio

    604
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG BAGUIO—Tagumpay ang kauna-unahang pagsasanay para sa mga kabataang mamamahayag na isinagawa sa lungsod na ito ng Philippine Press Institute (PPI) noong Abril 11 hanggang 13.

    Ito ay tinaguriang “Writing Beyond the Printed Words” sa ilalim ng programang Scholastic Press Outreach Series ng mga kasaping pahayagang ng PPI sa Luzon (PPI Luzon Group).

    Kaugnay nito, isa pang katulad na pagsasanay na tinaguriang “Punlaan sa Tag-araw” ang isasagawa sa Malolos, Bulacan sa Abril 27-28 sa pangunguna ng pahayagang Pula.

    Ang tatlong araw na pagsasanay sa lungsod na ito ay nilahukan ng 33 kabataang mamamahayag mula sa Baguio, Bulacan at Ilocos Norte, kasama ang ilang mga guro.

    Sinimulan ang pagsasanay sa pamamagitan ng mga lectures na pinangunahan ni Nene Bundoc Ocampo ng Punla, isang pahayagang nakabase sa Bulacan, Leia Fidelis Castro ng Baguio Midland Courier, Dino Balabo ng Mabuhay at Punto Central Luzon, Ely Valendez ng Bandillo ng Palawan, at Ariel Sebellino ng PPI.

    Bago magsimula ang mga lecture, ipinaliwanag ni Elnora Cueto,  ang trustee ng PPI para sa Luzon na ang nasabing pagsasanay ay pasimula pa lamang sa serye ng katulad na pagsasanay.

    Layunin nito na maibahagi sa mga kabataang mamamahayag ang kakayahan ng mga mamamahayag ng kasaping pahayagan ng PPI sa Luzon.

    “Ito ay isang bahagi ng aming paglilingkod pamayanan, ang maibahagi sa inyo sa loob ng maikling panahon ang kakayahan ng bawat isa na pinanday ng panahon,” ani Cueto.

    Matapos ang unang araw ng lecture hinggil sa pamamaraan ng pamamahayag, ang mga kalahok ay hinati sa tatlong grupo.

    Kinabuksan, sila ay nagsimulang magasagawa ng panayam sa mga itinakdang trabaho sa kanila.

    Bukod sa pakikipanayam, nagsikuha din ng larawan ang mga kalahok.

    Kinagabihan, isinumite ng mga kalahok ang mga istoryang kanilang nabuo matapos ang halos kahalating araw ng pakikipanayam at pananaliksik.

    Ang mga istoryang kanilang isinumite ay sinuri naman ng mga kasapi ng PPI Luzon para piliin ang pinakamaayos na istorya at larawan. Ang mga napili ay binigyan ng maliit na pagkilala sa pagtatapos ng tatlong araw na pagsasanay.

    “Maraming salamat po, marami kaming natutuhan,” ani Tsara Panuncia, isang mag-aaral ng University of the Cordilleras na lumahok sa pagsasanay.

    Gayundin ang naging pahayag ng iba pang kalahok tulad ni Edric Del Rosario ng Bulacan.

    Ang pagsasanay ay kauna-unahan sa ilalim ng PPI at pagsuporta ng The Coca-Coa Export Corporation (TCCEC).

    Ang konsepto nito ay nabuo matapos magpulong noong Pebrero ang mga kinatawan ng kasaping pahayagan sa PPI Luzon.

    Samantala, handang-handa na ang mga kalahok para sa taunang pagsasanay na “Punlaan sa Tag-araw” na isasagawa sa Club Royale Resort sa Malolos sa Abril 27 at 28.

    Ngunit ayon kay Nene Bundoc-Ocampo, ang nasabing pagsasanay ay hindi matatapos sa Abril 28.

    Ito ay dahil sa magiging patuluyan ito sa loob ng isang taon kung saan ang mga kalahok ay patuloy na gagabayan para sa kanilang pamamahayag sa buong taon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here