Renobasyon sa Sergio Bayan Park tinutulan

    550
    0
    SHARE
    CALUMPIT, Bulacan – Tutol ang halos 1,000 residente sa planong renobasyon ng Sergio Bayan Park sa harap ng bahay pamahalaan ng bayang ito dahil posibleng tuluyang mabura ang alaala ng natatanging anak ng Calumpit.

    Ngunit itinanggi ng pamahalaang bayan ng Calumpit ang alegasyon na sisirain ang nasabing park at tuluyang malimutan ang alaala ni Inhinyero Sergio Bayan.

    Sa halip, iginiit ng pamunuan ng pamahalaang bayan na isasaayos lamang nila ang nasabing park upang higit na mapaganda.

    Ang usapin hinggil sa nasabing liwasan o park ay nagsimula nitong Enero matapos matuklasan ni dating Mayor Raul Mendoza ang plano ni Mayor James de Jesus para sa renobasyon ng nasabing park.

    Ayon kay Mendoza, ang plano ni De Jesus ay magiging sanhi ng tuluyang pagkasira ng park na itinuturing na pambayang palatandaan bilang pag-alaala kay Bayan, siyam sa natatanging anak ng Calumpit.

    Batay sa kanyang liham na ipinahatid kay De Jesus, sinabi ni Mendoza na si Bayan ay ang kauna-unahang Kalihim ng Public Works and Highways na naglingkod sa administrasyon ni Pangulong Manuel L. Quezon.

    Sa kabila na isinlang sa Calumpit, si Bayan ang kauna-unhang Pilipino na itinalaga bilang alkalde ng Lungsod ng Baguio na naglingkod noong 1937 hanggang 1939.

    Bagamat walang malinaw at direktang kontribusyon si Bayan sa Bulacan at Calumpit, sinabi ni Mendoza na ang buhay ng yumaong inhinyero ay dapat magsilbing isang modelo para sa mga Calumpitenyo at Bulakenyo. 

    Ngunit ito ay magagawa lamang kung ang buhay ng inhinyero ay mananatiling buhay sa alaala ng mamamayan at kung may mga palatandaang bayan na magsisilbing tagapag-paalala nito katulad ng Sergio Bayan Park sa harap ng munisipyo ng bayang ito.

    “Sana ay panatilihin, pagyamanin at pagandahin ang naturang Sergio Bayan Park na ginawa at pinahalagahan ng mga naunang Punong Bayan bilang isang pamana at pagkilala sa dakilang nagawa ni Sergio Bayan hindi lamang sa ating bayan kundi sa buong bansa,” ani Mendoza sa kanyang bukas na liham na nilagdaan ng may 1,000 residente ng bayang ito.

    Bilang tugon sa mga liham ni Mendoza, sinabi ni De Jesus sa kanyang liham noong Enero 31 na ang Sergio Bayan Park ay hindi nabibilang sa talaan ng mga kinikilalang dambanang pangkasaysayan ng National Historical Commission (NHC).

    Hindi rin daw ito nabibilang sa mga lugar na pinag-aaralang ibilang sa nasabing listahan.

    “The said park is not a historical site of any historical event,” ani De Jesus.

    Inayunan din ni De Jesus ang pananaw ni Mendoza na dapat  bigyang pagpapahalaga ang pag-alala sa buhay ni Sergio bayan.

    Ngunit sinabi ni De Jesus na “who, other than the family and relatives, knows about Sergio Bayan, his character, achievements, and contributions to society.  How can we appreciate the greatness of a person we scarcely know about?”

    Sinabi pa ni De Jesus na ang Sergio Bayan Park ay isang larawan ngayon ng kahungkagan dahil wala naman daw nagpupunta doon kung tanghali.

    Kung gabi ay wala rin nagpupunta dahil sa madilim at walang ilaw sa kabila ng ilang beses na nila ito nilagyan ng ilaw ngunit ninanakaw.

    Bukod dito, ginagamit din daw na sampayan ng mga residente ang bakod ng nasabing park.
    Dahil sa kalagayang ito, iginiit ni De Jesus na dapat isailalim sa renobasyon ang nasabing liwasan.

    Ilan sa kanilang plano ay ang paglalagay ng paradahan ng sasakyan sa kinalalagyan ng kasalukuyang park.

    Ayon naman kay Jaime Corpuz, ang pangulo ng Heritage Conservation Society ng Bulacan, sinabi sa kanya ni De Jesus na lalagyan ng Historical Corridor ang nasabing parke matapos ang renobasyon.

    Sa nasabing Historical Corridor, ilalagay ang mga busto ng mga bayani kabilang ang kay Sergio Bayan, bukod sa magtatayo rin ng pader para ilagay ang mga pangalan ng mga nagsilbing alaklde ng Calumpit.

    Ngunit para kay Mendoza, hindi sapat ang mga binanggit na dahilan ni De Jesus partikular na sa pangangalaga ng kalasalukuyang Sergio Bayan Park.

    Sinabi niya na isang palatandaan ng kapabayaan ng pamahalaang bayan ang pagkasira ng mga ilaw sa parke kung gabi at ang paggamit ng mga residente sa bakod nito bilang sampayan.

    “Ilang metro lamang ba ang layo ng police headquarters sa Sergio Bayan Park para hindi nila iyon mabantayan kung gabi,” ani Mendoza na nagsabi pa na nasa harap lamang ng himpilan ng pulisya ang nasabing park.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here