611,242 batang Bulakenyo babakunahan laban sa tigdas

    414
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Mahigit sa 600,000 Bulakenyo ang babakuhan ng libre sa loob ng isang buwan bilang paglaban sa sakit na tigdas.

    Ito ay bahagi ng pakikiisa ng Bulacan sa pambansang kampanya laban sa tigdas na sinimulan noong Lunes at matatapos sa Mayo 4.

    Ang nasabing programa ay unang inilunsad noong 1998 at isinasagawa tuwing ika-apat na taon sa ilalim ng programang “Ligtas sa Tigdas ang ‘Pinas”na pinangungunahan ng Department of Health (DOH).

    Ayon kay Dr. Joycelyn Gomez, hepe ng Provincial Public Health Office (PPHO), aabot sa 611,242 na bata ang kailangang mabakunahan laban sa tigdas.

    Batay sa tala, ang mga babakunahan ay ang mga batang may edad na siyam na buwan hanggang walong taong gulang na ipinanganak sa pagitan ng Mayo 5, 2003 hanggang Hulyo 4, 2010.

    Ayon kay Gomez, nabibilang sa high risk classification ang mga nasabing kabataan at bumubuo sa 9.58 porsyento ng kabuuang bilang ng populasyon sa lalawigan.

    Layunin ng malawakang pagbabakuna na mapababa ang bilang ng mga batang maaaring magkaroon ng tigdas

    Batay sa tala ng PPHO, umabot sa 225 ang naitalang kaso ng tigdas sa Bulacan kung saan 62 ang positibo sa virus ng tigdas.

    Naitala din sa Bulacan ang 72 kasong Rubella o German measles na lubhang mapanganib para sa mga buntis.

    Sa kasalukuyan, 44 na kaso ng tigdas na ang naitala at 26 sa kanila ang nag-positibo sa measles virus.

    Ang pagbabakuna ay isinasagawa ng mga tauhan sa kalusugan at health volunteers sa Bulacan.

    Ipinaliwanag ni Gomez na walang dapat ikatakot ang mga magulang na nakapagpabakuna na ng anak laban sa tigdas.

    “Kailangan lang ay after 28 days after the previous immunization para hindi ma-overdose. Within 28 days kasi ay epektibo pa yung unang bakuna,” aniya.

    Ayon kay Gomez, ang mga magbabakuna ay pupunta sa bahay-bahay o door to door na sabayang isasagawa sa bawat barangay sa buong lalawigan.

    Kasabay na rin nito ang pagbibigay ng Bitamina A sa mga bata at ang pagbibigay ng kaalamang pangkalusugan sa mga magulang.

    Ang bawat bahay na napuntahan na ay didikitan ng sticker bilang tanda kasunod ng pagbibigay ng immunization cards.

    Sinabi ni Gomez na kung sakaling hindi nadatnan ang bata sa bahay, ito ay babalikan upang masiguradong walang nakaligtaan.

    Pagkatapos ng isang buwan ay bibigyan naman ang mga ito ng pampurga.

    Samantala, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na “lubhang napakahalaga ng pagpapabakuna sa mga bata upang maiwasan ang anumang banta laban sa buhay ng mga Bulakenyo”.

    Bilang pagsuporta sa paglaban sa tigdas, inilunsad noong Lunes ng kapitolyo ang programang ”Batang Bulakenyo, Iligtas natin sa Tigdas” upang matiyak na makaiiwas sa sakit na tigdas at mananatiling malusog ang mga kabataan.

    Binuo rin ang Technical Working Group Committee sa pangunguna nina Alvarado, Bise Gob. Daniel Fernando kasama ang mga tanggapan ng PPHO, DOH, Provincial Public Affairs Office, Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education at Provincial Social Welfare and Development Office.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here