Ping idinepensa ni Trillanes

    389
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Idinepensa ni Senador Antonio Trillanes IV si Senador Panfilo Lacson ng kanyang ipahayag na ang pagsasampa ng kaso sa Ethics Committee ng Senado laban sa nagtagong senador ay “unfair.”

    “I think it’s unfair to subject him to a complaint in the Senate Ethics Committee,” ani Trillanes patungkol kay Lacson na kailan lamang lumitaw matapos ang mahigit isang taong pagtatago sa ibayong dagat na naging dahilan upang maging liban ito sa Senado sa katulad na panahon.

    Ang panawagan sa pagsasampa ng kaso laban kay Lacson ay isinatinig ng mga kritiko katulad ni Solita Monsod dahil sa pagsasawalang kibo ng Senado sa pagliban ng Senador sa loob ng mahigit isang taon.

    Ayon kay Trillanes, wala pang nilalabag na batas si Lacson dahil inakusahan pa lamang ito ng pagkakasangkot sa pamamaslang sa publicist na si Bubby Dacer at kanyang driver na si Emmanuel Corbito.

    Ang mga labi nina Dacer at Corbito ay natagpuan sa Indang, Cavite noong Nobyembre 2000, ilang araw matapos silang mawala.

    Ngunit nilinaw ng Punto kay Trillanes na ang pagsasampa ng kaso laban kay Lacson sa Senate Ethics Committee ay hindi patungkol sa Dacer-Corbito double murder case, kung hindi dahil sa pagliban nito sa mga sesyon ng Senado sa loob ng mahigit na isang taon.

    “I think it’s very subjective when it comes to the performance of a person,” ani Trillanes at sinabing, maaaring pumapasok sa opisina ang isang senador bawat araw ngunit wala namang nagagawa.

    Iginiit pa niya na“mga tao na ang hahatol dahil sila ang naghalal sa kanya.”


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here