Team leader ng 3-D inventors natatanging mag-aaral ng BulSU

    280
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Tinanghal na natatanging mag-aaral ng Bulacan State University (BulSU) College of Engineering sa taong ito si Donn Angelo Teodoro, ang lider ng mga mag-aaral na nakaimbento sa Dengue Detecting Device (3-D).

    Ito ay matapos tanggapin ni Teodoro, 21, isang Electronics Communication Engineering (ECE) student ang parangal na magna cum laude kasama ang kanyang pamilya.

    Bukod sa nasabing parangal, tinanggap din ni Teodoro kasama ang limang kaklase ang pagkilala mula BulSU dahil sa kanilang naimbentong 3-D na nagwagi ng grand prize sa ika-7 Smart Wireless Engineering Education Program (SWEEP).

    Si Teodoro ay bunsong anak ni Donato Teodoro, isang publisher ng lokal na pahagayan. Ang kanyang ina ay ingat yaman ng kanilang pamahalaang barangay.

    Ayon kay Inhinyero Nicanor Dela Rama, ang dekano ng BulSU College of Engineering, si Teodoro ay isang consistent dean’s lister o palagiang mataas ang marking nakukuha sa mga klase.

    Sinabi pa ni Dela Rama na ang parangal na ipinakalaloob kay Teodoro at lima pang kaklase nito ay isang pagkilala ng pamanatasan sa kanilanmg kontribusyon dahil sa naimbentong 3-D.

    Ang iba pang kasama ni Teodoro na nakaimbento ng 3-D ay sina Ronald Capule, 21 ng Barangay Matimbo, Lungsod ng Malolos; Reymond Gabayoyo, 20, at Fatima Suerte Felipe, 20 na kapwa residente ng Barangay Sto. Rosario, Paombong; Melody Ann Leonardo, 21, ng Barangay

    Biniang 1st, Bocaue; at Laurence Louie Lugue ng Barangay San Vicente, Apalit, Pampanga.

    Ang naimbentong Dengue Detecting Device o 3-D ng grupo ay magpapabilis sa pagkatukoy ng sakit na dengue at maaaring maging susi upang mailigtas ang maraming buhay.

    Sa panayam, sinabi ni Teodoro na naisipan nila ang konsepto ng 3-D dahil sa habang pinag-uusapan nila kung ano ang kanilang thesis na gagawin ay mataas ang insidente ng dengue sa Bulacan noong nakaraang taon.

    “Inisip namin kung paano makakatulong ang kursong engineering sa kalusugan at tiyempo namang madalas ang balita tungkol sa dengue noon,” ani Teodoro.

    Matapos mabuo ang kanilang thesis, isinumite nila ito sa SWEEP at hindi nagtaggal ay tumanggap ito ng pangunahing karangalan.

    Bukod sa plake, tumanggap ang anim na mag-aaral ng P500,000 premyo, samantalang tumanggap din ang BulSU ng katulad na halaga ng kagamitan para sa mga laboratoryo ng mga mag-aaral.

    Sa kanilang pagbuo ng konsepto ng 3-D, sinabi ni Teodoro na ginabayan sila ng kanilang mga guro at ng kanyang nakatatandang kapatid na babae na nagtapos ng Applied Physics sa University of the Philippines (UP).

    Batay sa paliwanag ni Teodoro, simple laamang ang kanilang imbensyon na may tatlong bahagi na magagamit sa pagbilang ng blood platelets sa pamamagitan ng digital imaging technology upang matukoy kung ang dugong sinuri ay may dengue.

    Ang unang bahagi ng 3-D ay ang data capturing devise, kasunod ay ang transmission facility at ikatlo ay ang data analyzing machine.

    Ayon kay Teodoro, ang data capturing devise ay isang biological microscope na may cellular phone na may kamera sa eye piece. Ang nasabing cellular phone ay may kakayahang magpahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng general packet radio service (GPRS).

    Ang ikalawang bahagi naman ay ang transmission facility kung saan ang impormasyon ay padadaanin. Ito ay isang cellular phone service tulad ng Smart Communications.

    At ang ikatlong bahagi ay ang data analyzing machine na nagsisilbing utak o “ brain of the system or the computational server na siyang magpoproseso sa imaheng ipinahatid at bibilang sa blood platelet sa larawang ipinahatid.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here