Bilang ng krimen bumaba

    383
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Bumaba ang bilang ng krimen sa Bulacan sa unang dalawang buwan ng taon ayon sa pulisya, ngunit naalarma naman si Gob. Wilhelmino Alvarado sa kapangahasan ng mga kriminal at pagkaka-sangkot ng mga pulis sa krimen.

    Kaugnay nito, dalawa katao ang pinaslang sa dito ilang araw bago isagawa ang pulong ng Provincial Peace and Order Council noong Huwebes, Marso 10, bukod sa mga insidente ng nakawan ng motorsiklo sa loob ng bakuran ng kapitolyo.

    Ayon kay Senior Supt. Wendy Rosario, nanunuparang direktor ng pulisya sa Bulacan, bumaba ng 18 porsyento ang bilang ng naitalang krimen sa Bulacan sa unang dalawang buwan ng taon, kumpara sa katulad na panahon noong nakaraang taon.

    Batay sa tala na iprinisinta ni Rosario sa PPOC noong Huwebes, umabot lamang sa 2,903 ang krimeng naitala sa Bulacan sa buwan ng Enero at Pebrero.

    Ito ay mas mababa ng 665 o 18 porsyento kumpara sa 3,608 na krimen na naitala sa katulad na panahon sa Bulacan noong nakaraang taon.

    Hinggil naman sa crime solution efficiency ng pulisya, sinabi ni Rosario na umabot sa 8.94 porsyento ang kanilang naitala kumapara sa 7.76 porsyentong crime solution efficiency noong nakaraang taon.

    Ipinaliwanag ni Rosario na ilan sa mga dahilan ng mataas na bilang ng krimen sa Bulacan ay ang bilang ng populasyon; bukod pa sa kanilang pagtatala ng mga non-index crime o mga simpleng krimen tulad ng unjust vexation o paninirang puri, oral defamation o pag-aakusa.

    “Recorded lahat iyan sa mga police station, pero matapos matala doon ay hindi na nagbabalik ang nagpatala dahil for record purposes lang iyon kaya ipinatala,” ani Rosario patugkol sa mataas na bilang ng krimen at mababang crime solution efficiency.

    Hinggil naman sa lumalalang nakawan ng motorsiklo sa Bulacan, sinabi ni Rosario na dinagdagan nila ang pagpapatrulya ng pulisya, maging ang mga checkpoint.

    Sinabi niya na hindi lamang mga walang helmet ang kanilang hinuhuli, sa halip ay maging mga walang rehistro kung saan madalas nilang madiskubre na nakaw ang motorsiklo.

    Ngunit hindi kumbinsido ang ilang mamamahayag sa Bulacan dahil sa apat na motorsiklo ang nanakaw sa harapan ng kapitolyo kabilang ang motorsiklo ng isang mamamahayag at dalawang kawani ng Department of Education (DepEd).

    Bukod dito, dalawa katao ang pinaslang sa Malolos noong Lunes ng gabi, Marso 7 at Martes ng umaga, Marso 8.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Odilon Filoteo ng Barangay Look 1st Malolos na pinaslang sa loob ng kanyang bakuran noong Lunes ng gabi; at isang Gina Canedo na binaril di kalayuan sa himpilan ng pulisya sa Crossing ng Malolos noong Martes ng umaga.

    Samantala, nagpahayag naman ng pagka-alarma si Alvarado sa pagiging mapangahas ng mga kriminal at pagkaka-sangkot ng ilang pulis sa mga krimen sa Bulacan.

    “There is an upsurge in the criminal operations of organized syndicates that straddle Metro manila and nearby provinces including provinces comprising Region III as shown by banner stories of carnapping and killings in dailies recently.  What is alarming is that all these evils are perpetrated with outrageous audacity,” ani Alvarado.

    Binanggit din ng punong lalawigan ang pagkakasangkot ng ilang pulis sa magkakahiwalay na krimen, katulad ng pamamaril ng isang pulis sa Marilao, paggamit ng ipinagbabawal na droga ng isang pulis sa Lungsod ng San Jose Del Monte; at pagkakadakip ng isang pulis na nakatalaga sa Sta. Maria sa nakawan ng mga motorsiklo.

    “Kanino tatakbo ang mga taumbayan kung ang mga alagad ng batas ay kakampi na pala ng mga kampon ng kriminalidad,” patanong na sabi ng gobernador sa kanyang talumpati sa mga dumalo sa PPOC.

    Dahil dito nag-utos siya ng maigting na kampanya laban sa kriminalidad sa lalawigan.

    Sinabi pa niya na, “the biggest deterrent against commission of a crime is to install on the mind of would-be-wrong-doers the fear of getting punished swiftly for the act that they would do within the shortest period of time.”

    Una rito, nagpahayag ng pangamba ang mga negosyante sa lalawigan dahil sa halos di mapigil na pananalsa ng mga grupong kriminal noong Enero tulad ng Dominguez carnapping group.

    Ayon sa mga opisyal ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI), at Department of Trade and Industry (DTI), nangangamba ang mga negosyante sa lalawigan dahil sa mga naganap na krimen.

    Ayon naman kay Ambrosio Cruz, isang negosyante at dating alkalde ng Guiguinto, dapat pangunahan ng gobyerno ang kampanya sa pagsugpo sa mga grupong kriminal upang mas mahikayat ang mga negosyante na mamuhunan sa Bulacan.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here