Minasa Festival: 1 linggong pagdiriwang sinimulan

    975
    0
    SHARE
    BUSTOS, Bulacan – Isang linggong pagdiriwang ang isasagawa sa bayang ito bilang pagbibigay halaga sa tinapay na karaniwang inihahanda ng mayayaman mula noong kalagitnaan ng 1800.

    Ito ay tinawag na Minasa Festival 2011 na sinimulan sa pamamagitan ng isang audio-video presentation noong Sabado, Enero 15 at matatapos sa Enero 22.

    Ang isang linggong pagdiriwang ay tinampukan naman ng ibat-ibang gawain tulad ng pagtatanghal ng mga natatanging litrato at painting, kongreso ng kabataan, Paralympics, gabi-gabing cultural presentations, bike run, street dancing at iba pa.

    Ayon kay Mayor Arnel Mendoza, layunin ng festival ang promosyon ng minasa at maipakita ang patuloy na kaunlaran ng bayang ito na matatagpuan sa kalagitnaan ng Buacan.

    “It’s true, the festival was designed to promote minasa, but we also want to showcase the rich history and culture of Bustos and business opportunities here,”ani Mendoza, ang nag-iisang alkalde sa Gitnang Luzon na nagtapos ng kursong Doctor of Philosophy (Ph.D.).

    Ayon sa alkalde, ang produksyon ng minasa ay konektado sa kalinangang minana ng Bustos na kilala sa mga bahay na bato na mahigit 100-taon na at may mga dekorasyo ang mga batong pader at haligi.

    Ilan sa mga nasabing bahay ay matatagpuan sa bayang ito, at sinasabing itinayo noong kalagitnaan ng 1800s, kung kailan ay sinasabing nagsimula ang produksyon ng minasa.

    Ang minasa ay isang uri ng tinapay na gawa sa harinang nagmula sa halamang tinatawag na sago, gata ng niyog at pula ng itlog.

    Ayon kay Mendoza, ang mga matatandang bahay na bato sa bayang ito ay karaniwang ginagamitan ng daan-daang itlog, dahil ang puti nito ay inihahalo sa pandikit ng mga bato na ang katumbas ngayon ay semento.

    “Malaki ang posibilidad na magka-ugnay ang produksyon ng minasa at konstruksyon ng mga bahay na bato dahil kapag ginamit ang puti ng itlog sa paggawa ng bahay, walang ibang paggamitan ng pula ng itlog,” ani Mendoza.

    Sinabi pa niya na noong 1800s ang mga gumagawa at nagpapagawa lamang ng minasa sa bayang ito ay ang mayayamang pamilya dahil sa mga ito ang may aring moldeng minasa.

    Inayunan naman ito ni Lourdes Luz, ang nagtayo ng kauna-unahang tindahan ng minasa sa bayang ito na matatagpuan sa barangay Poblacion.

    Sinabi ni Luz  na ang minasa ay inihahanda lamang ng mayayaman kapag may okasyon o kung may pagreregaluhang kaibigan.

    Ngunit sa mga sumunod na taon matapos ang kalagitnaan ng 1800s, sinabi ni Luz na dumami ang natutong magluto ng minasa sa bayang ito.

    Gayunpaman, ang mga moldeng ginagamit nila sa pagluluto ay hinihiram lamang sa mga mayayamang pamilya.

    Noong huling bahagi ng dekado 80, sinimulan ni Luz at kanyang pamangking si Fe ang komersyal na produksyon  ng minasa ng magtayo ng huli ng tindahan na tinawag na “Fe’s Minasa.”

    Ayon pa kay Luz, noong unang bahagi ng dekada 90, isinali nila ng kanyang pamangkin ang minasa sa paligsahang tinaguriang “merienda ng kahapon” at nagwagi.

    Ang nasabing paligsahan ay pinangunahan ng mga ahensiya ng gobyerno.

    Ang kanilang tagumpay ay naghatid ng dagdag na inspirasyon, ngunit higit na nagbibigay sa kanila ng patuloy na inspirasyon ay ang mga kuwento ng mga taong nakatikim ng minasa.

    Ayon kay Luz, sa loob ng mahigit 20 operasyon nila, wala pa silang naging kostumer na nakatikim ng minasa at nasagbing hindi iyon masarap.

    Sa kasalukuyan, may 10 iba pang pamilya ang gumagawa ng minasa sa bayang ito ay ayon sa pamahalaang bayan, tinatayang umaabot sa pahigit P1-milyon ang kinikita ng mga ito sa pagbebenta ng minasa sa loob ng isang taon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here